MALAKING epekto sa mga pangarap ng isang magaling na aktor ang mga kuwentong lumalabas tungkol sa paghihiwalay nila ng kanyang girlfriend. Inilabas mismo ng aktor na tapos na sa kanila ang lahat.
Maraming kaibigan nila ang nagpipista ngayon tungkol sa kanilang hiwalayan, maraming mas nakaiintindi sa babae kesa sa lalaki.
Komento ng isang source, “Ang nagagawa nga naman ng popularity! Kahit sinasabi pa ng mga artista na walang magbabago sa kanila sakaling sumikat sila, e, nagkakaroon pa rin ng mga pagbabago.
“Sinasabi na lang nila ‘yun para kunwari, e, humble pa rin sila. Pero kalokohan ‘yun! May mga pagbabagong nangyayari, hindi na sila ‘yung dati, naaapektuhan na sila ng popularity.
“Tingnan n’yo si ____ (pangalan ng magaling na aktor), ibang-iba na siya ngayon. Hindi lang sa girlfriend niya, kahit sa circle of friends niya, wala na siyang time.
“Dati, palagi silang magkakasama, chillax lang silang magkakaibigan, pero nu’ng mabigyan na siya ng chance na bumida sa mga pelikula, nawala na ang dating siya.
“Huwag niya namang sabihin na everyday, e, may trabaho siya? Kalokohan naman ‘yun! Hindi na siya nagpapahinga? Wala na siyang panahon para sa mga taong kasabay niyang nangangarap?
“Nakakaapekto ang popularity, ayaw lang nilang aminin, pero nagkakaroon ng maraming pagbabago kapag gumaganda na ang career ng mga dating hindi napapansin,” simula ng aming impormante.
Ang relasyon ng aktor sa matagal na niyang girlfriend ay biglang nagbago nang mabigyan na siya ng magagandang oportunidad sa TV at pelikula.
Nag-umpisa ‘yun sa mga pangakong magkikita sila, pero hindi natutuloy. Hanggang text at tawagan na lang sila, kasi nga, sobrang busy na si guy. Hanggang sa parang tinabangan na siya sa girl, nagbago na ang ikot ng mundo niya, mga sikat na artista na kasi ang palagi niyang kahalubilo.
“May third party ‘yun sa side ng lalaki, imposibleng wala, kaya hiniwalayan na niya ang girl na ipinagpapasa-Diyos na lang ang nangyari sa kanila ng male personality.
“Ang igsi-igsi ng name ng guy para mahirapan kayong manghula, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, super-short!” pagtatapos ng aming source.