Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Meralco vs KIA Picanto
7 p.m. GlobalPort vs San Miguel Beer
Team Standings: San Miguel Beer (4-0); Magnolia (4-1); Alaska (3-2); TNT (3-2); Barangay Ginebra (2-2); Globalport (2-2); Blackwater (2-3); Rain or Shine (2-3); NLEX (2-3); Phoenix (2-3); Meralco (1-3); Kia Picanto (1-4)
PINATAWAN ng PBA Commissioner’s Office ng tig-isang larong suspensyon sina Eric Camson, Michael Miranda at Raymond Almazan matapos na masangkot ang tatlo sa magkahiwalay na ‘flagrant incident’ nitong weekend.
Bukod pa rito ay pinagmulta pa ni PBA officer-in-charge Willie Marcial ang tatlo.
Si Camson ng Kia Picanto ay pinagbabayad ng P30,000 dahil sa umano’y siya ang nagpasimula ng suntukang naganap sa laro ng Kia at Rain or Shine nitong Sabado.
Ang sentro ng Elasto Painters na si Almazan naman ay pinatawan ng P20,000 multa dahil sa nagpakawala rin siya ng suntok laban kay Camson sa first half ng naturang laban na napagwagian ng Kia, 98-94.
Sa larong iyon ay pareho silang natawagan ng flagrant foul penalty two at na-eject mula sa playing court.
Samantala, magmumulta rin ng P20,000 si Miranda ng NLEX matapos na sipain si Chris Ross ng San Miguel Beer sa singit (groin) sa 109-98 panalo ng Beermen laban sa Road Warriors nitong Biernes.
Sa Smart Araneta Coliseum ngayon, tatangkain ng GlobalPort na masungkit ang ikatlong sunod na panalo sa pagsagupa nito sa nagdedepensang kampeong San Miguel Beer ganap na alas-7 ng gabi.
Ngunit hindi ito magiging madali para sa Batang Pier dahil ang kanilang makakatapat ay ang numero unong koponan sa liga na hindi pa natatalo sa apat na laban.
Dagdag pa rito ay hindi pa rin makakasama ng koponan ang top scorer nitong si Terrence Romeo na nagpapagaling pa sa injury.
Gayunman, nangako pa rin si GlobalPort coach Pido Jarencio na ibibigay nila ang kanilang makakaya para makuha ang ikatlong panalo sa limang laban.
“We’ll give our best,” sabi ni Jarencio na muling sasandal ngayon kina Sean Anthony, Kelly Nabong at Stanley Pringle.
Matapos na matalo sa Road Warriors (104-115) and Barangay Ginebra Gin Kings (97-104) ay tumuhog ng dalawang panalo ang BlobalPort laban sa Rain or Shine (78-70) at Blackwater (101-76).
Ang Beermen ang tanging koponan sa liga na wala pang talo matapos na manaig sila kontra Phoenix Fuel Masters (104-96), Meralco Bolts (103-97), TNT KaTropa Texters (88-76) at NLEX Road Warriors (109-98).
Sa unang laro ay magssagupa ang Meralco at KIA Picanto dakong alas-4:30 ng hapon. —Angelito Oredo