4 patay sa aksidente sa Cagayan

Apat katao ang nasawi sa magkahiwalay na aksidenteng kinasangkutan ng mga motorsiklo sa lalawigan ng Cagayan, iniulat ng pulisya Martes.
Dead on arrival sa ospital ang driver ng motor na si Mark Aejay Tague, 17, at pedestrian na si Saturnino Nicolas, 82, sa aksidente sa bayan ng Solana, ayon sa ulat ng Cagayan Valley regional police.
Sugatan naman ang dalawang angkas ni Tague na sina Mark Joseph Lucina at Vincent Maribbay, kapwa 17-anyos.
Naganap ang aksidente dakong ala-1:30 ng hapon Linggo, sa bahagi ng Provincial Road na sakop ng Brgy. Lanna.
Nabundol ng motor ni Tague si Nicolas habang tumatawid ng kalsada ang huli. Tumilapon lahat ng sakay ng motor, ayon sa pulisya.
Ilang oras lang matapos ito, dakong alas-3:20, patay ang mga driver ng dalawang nagsalpukang motor sa bahagi ng National Highway na sakop ng Brgy. Simpatuyo, Sta. Teresita.
Dead on arrival sa ospital sina Joey Mariano at George Barsatan, 60. Bahagyang nasugatan ang isang Jackson Mateo, na angkas ni Barsatan.
Walang lisensiya at pareho pang lasing ang mga driver ng dalawang motorsiklo, ayon sa pulisya.

Read more...