Pagbahing huwag pigilan, delikado


NAHIHIYA ka bang bumahing kapag maraming tao?

For sure, sinubukan mong hindi huminga, inipit mo ang ilong mo at isinara ang iyong bibig.

Alam mo ba na mayroong hindi magandang epekto sa kalusugan ang pagpigil sa pagbahing?

Ayon sa pag-aaral, ang pagpigil ay maaaring magresulta sa pagkasira ng lalamunan, ear drum at maaari ring makapagpaputok ng blood vessel.

Napatotohanan ang pag-aaral na ito nang pumunta sa emergency room ng isang ospital sa Leicester, England ang isang 34-anyos na lalaki na namamaga ang leeg at namimilipit sa sakit.

Sa kuwento ng lalaki sa mga doktor na sumuri sa kanya, nakaramdam siya ng parang pagputok ng pigilan niya ang kanyang pagbahing sa pamamagitan ng pagpindot sa kanyang ilong at pagsara ng kanyang bibig.

Sumailalim sa CT scan at doon ay nakumpirma na nasira ang likurang bahagi ng kanyang lalamunan, dahil ito ang tumanggap ng puwersa na hindi nailabas ng pagbahing.

Dahil hindi makalabas sa bibig o ilong ang hangin na nasa pagitan ng baga (lungs) humahanap ito ng ibang mapupuntahan na nagreresulta sa pinsala sa  loob ng katawan.

Hindi rin umano imposible na lumabas ang puwersa sa ugat na magdudulot ng cerebral aneurysm o ang pagputok ng ugat sa ulo na magreresulta sa pagkaparalisa  o pagkamatay.

Ang lalaki ay hindi makalunok o makapagsalita kaya na-confine siya sa ospital ng isang linggo.

Payo ng mga doktor magdala na lang ng panyo palagi para mayroong pantakip sa bibig at ilong kapag mababahing sa halip na isara ang ilong at bibig.

Read more...