SUPORTADO ng mga kaibigan ni Nyoy Volante ang kanyang birthday concert na gaganapin sa Music Museum sa Jan. 25.
Nakakuwentuhan nina Ervin Santiago at Izel Abanilla sa nakaraang episode ng #ShowbizLive (Wednesdays, 8 p.m., sa Radyo Inquirer 990 at Inquirer.net, Bandera.ph) si Nyoy at dito nga niya ibinalita kung sinu-sino ang magiging special guests niya sa kanyang birthday concert.
Kabilang na rito ang mga ka-batch niya sa first season ng Your Face Sounds Familiar na sina Karla Estrada at Jay-R. Makakasama rin niya sa selebrasyon sina Yeng Constantino, Richard Poon, Sitti, Kaye Cal at iba pang surprise guests.
Inamin ni Nyoy na nag-take off talaga ang career niya sa TV and even sa theater nang sumali siya sa YFSF. Dito kasi nakita ng madlang pipol na hindi lang pala pagkanta ang kaya niyang gawin, at may talent din siya sa panggagaya. Grateful siya sa naging chance na ito dahil talagang nagbago ang takbo ng kanyang career.
“Yes, maraming nabago. Every time na magkakaroon ako ng project I thank YFSF. Sa tulong ng Star Magic naipasok nila ako sa Your Face. And from there people from YFSF saw what I can do. Kasi hindi naman nila kasalanan na ang alam lang nila sa akin ay kumanta, kasi yun lang naman yung pinapakita ko talaga. After nu’n nagkaroon ako ng maraming breaks sa acting, like sa Maalaala Mo Kaya,” aniya.
Game rin daw siya ngayon na sumabak sa pelikula o teleserye. Sa ngayon, may mga nakikipag-usap na sa kampo niya pero hindi pa nila mahanapan ng schedule. If ever, gusto niyang makasama sa isang pelikula ang mga kasamahan niya sa It’s Showtime, like Anne Curtis, Karylle at Vice Ganda.
Sa tagal nga ni Nyoy sa industriya, na hindi lahat ay nabibigyan ng ganitong chance, ano nga ba ang sikreto niya? Sagot ni Nyoy, “Ang hindi pagiging choosy.”
“I can’t speak for everyone else kasi may kanya-kanya namang paraan yan pero para sa akin tuloy-tuloy lang talaga walang tigil. Kumbaga wala kang pipiliing trabaho, kung it’s not degrading at all at sa tingin mo naman eh kaya mo namang magampanan yung ipapagawa nila sa ‘yo and if it doesn’t work out eh move on to the next.
“Pero so far lahat naman ng pinasukan ko, okay naman siya, and more importantly, respect the people that you work with kasi darating at darating yung panahon na makakatrabaho mo yan uli eh and somehow may connection yan with some other things that are connected to you in the future,” he added.
Nyoy actually still does bar gigs although hindi na ganu’n kadalas, unlike noog early 2000’s na talagang in na in ang mga concert sa mga bar.
Kung papipiliin nga si Nyoy mas gusto niya ang tumugtog sa mga bar kahit na mas mababa ang bayad.
Iba rin daw kasi ang impact kapag medyo intimate ang show, nakikita mo raw ang bawat reaction o nararamdaman ng audience unlike sa malalaking concert kung saan masyadong malaki ang venue to truly feel the intimacy.
Speaking of YFSF, isa sa hindi niya malilimutang performance niya sa programa ay ang panggagaya niya kay Luciano Pavarotti at ang Queen of Kundiman na si Sylvia La Torre.
At alam n’yo ba na sa sobrang good friends at patunay na walang “politika” sa unang season ng YFSF ay close na close pa rin sila ng mga ka-batch niya? Madalas nga raw silang mag-reunion.
Napapanood si Nyoy sa TV regularly bilang isa sa mga hurado sa Tawag Ng Tanghalan ng It’s Showtime.
Ano nga ba nararamdaman niya kapag may mga bashers na hindi agree sa kanyang mga comments?
“Maraming-marami! Iba’t ibang manner pero ang context lang naman ng gusto nilang sabihin is ‘you don’t know how to judge.’ Siyempre may points na parang magda-doubt ka sa sarili mo kasi nakakatawa lang kasi nakaka-reinforce ng feeling of being there. Kunyari kayo lahat bina-bash kayo, ako napapa-‘Talaga? Limang tao sa industriya hindi marunong (mag-judge)?’ I think one of the responsibilities of being a hurado is to take that criticism,” paliwanag niya.
Actually mahirap talaga ang maging judge sa ganitong kalawak na contest sa TV, sabi ni Nyoy, “Unang-una ang tao iba-iba ang taste. Kahit sa aming hurado iba-iba yung panlasa namin kaya hindi pare-pareho yung mga bet namin.”
At du’n daw pwedeng magkaroon ng clash lalo na kung magka-opposite ang tingin niya sa tingin ng iba sa mga judges.
Pati mga daily winners na nagkakaroon ng following, siyempre magagalit sila pag masama ang komento ng isang judge dahil nga yun ang preference niya. Ang motto lang daw ni Nyoy sa pagiging hurado, lahat daw ng bagay may magandang paraan ng pagsasabi.
Para sa mga gustong maki-birthday jam kay Nyoy, available pa ang tickets sa www.ticketnet.com.ph or call 0917-8264941. Para sa malalapit sa Music Museum ay maaaring doon na mismo bumili ng ticket.