Iginiit ni Lacson na kokontrahin ng Senado sakaling igiit ni House Speaker Pantaleon Alvarez na dapat bumoto ng magkasama ang Senado at Mababang Kapulungan sa isang constituent assembly (con-ass) para amyendahan ang Konstitusyon.
“Pero kung titigasan nila Speaker Alvarez, na pag di kayo (Senate) sumama itutuloy namin ito (con-ass voting jointly), e talagang di sigurado. Talagang pader na kami ngayon pagdating sa ganung isyu,” giit ni Lacson.
Noon Martes, inaprubahan ng Kamara ang House Concurrent Resolution No. 9, na naglalayong mag-convene ang Kongreso sa isang con-ass. Isinusulong ni Alvarez na magkasamang bumoto ang Kongreso, na titututulan ng Senado.
Nagbanta pa si Lacson na ipapa-expel ang mga senador na dadalo sa con-ass na binubuo ng Kamara.