Lady Chiefs asinta ang ikalimang panalo


Mga Laro Linggo (January 21)
(Filoil Flying V Centre)
9:30 a.m. JRU vs Perpetual (men)
11 a.m. JRU vs Perpetual (women)
12:30 p.m. Lyceum vs Arellano (women)
2 p.m. Lyceum vs Arellano (men)
3:30 p.m. Lyceum vs Arellano (juniors)

ASAM ng Arellano University Lady Chiefs ang ikalimang sunod na panalo sa women’s division habang tangka ng University of Perpetual Help Altas na masolo ang liderato sa men’s division sa tampok na mga salpukan ngayon sa NCAA Season 93 volleyball tournament sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.

Asam ng Altas kumawala sa dalawang koponang liderato kasama ang Arellano University Chiefs sa pagsagupa nito sa hindi pa nananalo na Jose Rizal University Bombers sa alas-9:30 ng umaga.

Puntirya naman ng Lady Chiefs na masolo ang liderato sa pagsagupa nito sa Lyceum of the Philippines University Lady Pirates sa alas-12:30 ng hapon.

Huling tinalo ng pumangalawa noong isang taon na Altas ang Emilio Aguinaldo College Generals noong Huwebes, 25-14, 25-19, 25-11, para makatabla sa liderato ang Chiefs.

Inaasahan namang muling sasandalan ng Las Piñas-based spikers si Rey Taneo sa pagsagupa ng Altas sa Bombers na hindi pa nagwawagi sa apat na laro.

“He’s (Taneo) the leader of this team and we will need him to lead again because we have so many young players this season,” sabi ni Altas coach Sammy Acaylar.

Sa women’s ay kasalukuyang kasalo ng Lady Chiefs sa liderato ang San Beda College Lady Red Spikers na kapwa may 4-0 record habang ang Lady Pirates naman ay may kartadang 1-3 at nangangailangan ng panalo para manatiling buhay ang tsansang makausad sa semifinal round.

Asam din ng Lady Altas na makasiguro ng silya sa magic four sa pagsagupa sa mapanganib na Lady Bombers sa alas-11 ng umaga.

Kinailangan ng Lady Altas ang buong limang set upang biguin ang EAC, 22-25, 25-19, 25-14, 23-25, 15-13, para sa ikatlong panalo sa apat na laro.

Read more...