PAANO bang tatalunin ang San Miguel Beer?
Para kasing napakalalim na palaisipan iyan at wala yatang kasagutan?
Nakakaapat na sunod na panalo na ang mga bata ni coach Leovino Austria at tila walang team na puwedeng dumiskaril sa kanila.
Matapos na magwagi kontra sa Phoenix Fuel Masters sa opening day match ng season ay inisa-isa ng Beermen ang mga koponan ni Manny V. Pangilnan.
Tinalo nila ang Meralco, TNT KaTropa at NLEX in that order.
Ang mga teams na ito dapat ang nakasabay at nakapagbigay na laban sa kanila. Kasi nga kalabang mortal. Pero hindi iyon nangyari.
Oo at nakapagbigay ng konting resistance hanggang sa third quarter pero pagdating ng fourth quarter ay tuluyang silang tumukod at tumiklop.
Masakit para kay MVP iyon dahil sa hindi man lamang nakaisa ang kanyang mga teams sa Beermen. Kumbaga ay sinuki sila!
So, kung hindi sila lumusot sa elimination round, ano pa ang kanilang mahihita sa playoffs? O sa Finals kung sakaling umabot sila doon?
So paano nga ba dapat paghandaan ang San Miguel Beer?
Parang madali lang naman, e.
Kasi hindi naman talaga ginagamit ni Austria ang kanyang bench. Umaasa nang husto si Austria sa kanyang starting five. Ito ang kanyang formula magmula nang hawakan niya ang team. Sina June Mar Fajardo, Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Ross at Marcio Lassiter ang babad na babad sa laro.
Parang 30 minuto pataas kada game ang kanilang average.
Hindi nga ba’t sa nakaraang season, maliban kay Lassiter, ay miyembro ng Mythical First Five ang apat sa starters ni Austria. First time itong nangyari sa kasaysayan ng liga.
Tanging si Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra ang nakasingit sa Mythical Five upang punan ang puwesto ni Lassiter.
E paano kung naging dominante rin si Lassiter? E di miyembro rin siya ng Mythical Five.
Kung gamit na gamit ang starting five ni Austria, e di dapat ay pagurin sila ng kalabang team. Dapat ay takbuhan sila ng kalaban. Hapuin sila sa umpisa ng laro. Ang importante ay maubos na ang kanilang lakas sa umpisa ng second half.
At kapag nangyari iyon e di ang kalaban naman ang makakabawi sa dulo.
Pero bakit hindi iyon nangyayari?
Sa totoo lang, kapag nakikita ni Austria na napapagod ang kanyang starting unit, ginagamit din naman niya ang kanyang bench.
At nagde-deliver ang mga ito.
Noong Sabado ay nag-deliver ang mga tulad nina Von Pessunal at Matthew Ganuelas-Rosser.
Puwede rin namang gumawa ang mga tulad nina Gabby Espinas, Yancy de Ocampo, Billy Mamaril, Chico Lanete at Keith Agovida.
Ito ay kung gagamitin sila ni Austria. Nakahanda naman sila dahil batak naman sila sa ensayo.
So, hindi takot si Austria na gamitin ang kanyang bench. Naniniguro lang siya.
Pero kapag bumunot naman siya, mahihirapan pa rin ang kalaban.
So hindi talaga madaling talunin ang Beermen!