Sylvia Sanchez umamin na: Ang sarap pag wala ang asawa ko!


TAWANG-TAWA habang pinapanood naming nagda-drive si Sylvia Sanchez sa Butuan City, Agusan del Norte kahapon.

Kinunan ang aktres sa pamamagitan ng Facebook Live ng kanyang girl Friday na si Floramae “Menggay” Dacua at kitang-kita nga na lahat ng sakay niya kasama ang nanay niyang si Roselyn Campo ay kapit na kapit talaga sa kanilang upuan.

Kaskasera kasi si Sylvia kaya ito ang dahilan kung bakit hindi siya pinapayagang mag-drive ng asawang si Art Atayde.

Naaksidente na kasi siya noon nang makipagsabayan sa trailer truck, at simula noon ay hindi na pinahawakan ng manibela ang bida ng Hanggang Saan dahil baka kung saan-saan siya makarating at maging ang itinalagang driver sa kanyang si Freddie ay hindi puwedeng mawala sa paningin niya ang aktres.

Umuwi ng Butuan si Sylvia kahapon ng umaga kasama ang may-ari ng Beautederm na si Rei Ramos Anicoche Tan para sa isang business meeting.

Base sa narinig naming kuwento ni Ibyang, “Ang sarap pag wala asawa ko, walang kontrabida kapag nagda-drive ako! Walang Freddie, ang saya!”

Sobrang tahimik naman ang nanay Roselyn ni Ibyang na tila nakikiramdam, sabi nga ni Ms. Rei, “Naku, ingat (pagda-drive) ate Jojo.”

Sabay kuwento ng aktres na mas dapat mag-ingat ang mga bagong saltang driver sa Butuan dahil mas maraming loko roon.

“Actually, mas nakakatakot mag-drive dito kaysa sa Maynila kasi ang mga tao rito hindi marunong mag-signal kung kakanan sila o kakaliwa. Maraming motor ditong nayayari (nababangga), kaya
ingat talaga. Kaya sobrang ingat nga ako, gusto kong umuwi ng Maynila, ayokong makulong dito si Sonya. Baka dito ako tuluyang makulong,” tumatawang sabi ni Ibyang.

Si Sonya ang karakter ng aktres sa panghapong seryeng Hanggang Saan na kasalukuyang nakakulong ngayon sa kuwento dahil inamin na niyang siya ang nakapatay kay Mr. Lamoste (Eric Quizon) asawa ni Jean (Teresa Loyzaga) at tatay ni Anna (Sue Ramirez).

Narinig din namin sa video na supposedly nu’ng nakaraang linggo pa dapat umuwi ng Butuan sina Ibyang at Ms. Rei pero hindi natuloy dahil may taping ang aktres.

Base pa sa kuwentuhang napakinggan namin sa video ay papunta ng palengke sina Sylvia na lagi niyang ruta kapag uuwi siya ng Nasipit para mamakyaw ng kung anu-ano kaya ang saya-saya ng mga tindera kapag nakikita nila ang kababayang aktres dahil lahat sila mula umpisa hanggang dulo ng mga puwesto ay talagang iniisa-isa silang bilhan.

Totoo, bossing Ervin dahil naging saksi rin kami nu’ng nagpunta sa palengke ng Pangasinan si Ibyang, lahat binilhan niya simula sa isda, karne, tuyo, patis, bagoong maruya na nakabalot pa sa diyaryo (na kinain talaga namin na walang kaartehan kaming nakita), walis tambo, walis tingting, asin, itlong ng pugo, gulay at kung anu-ano pa kaya ang ending nagsik-sikan kami sa isang malaking van dahil puro paninda ang nasa likod at harap.

Ang katwiran ni Ibyang kaya niya dinadaanan lahat ng tindera para bilhan, “Para fair sa kanilang lahat para lahat sila masaya, nakita mo naman lahat sila nakangiti.”

q q q

Anyway, ngayong tanghali ang balik ng Maynila nina Sylvia at Ms. Rei, pareho silang nangako sa kanilang pamilya na kapag Linggo kailangang sama-sama sila.

Going back to Hanggang Saan, dalawang araw na walang taping si Ibyang dahil lahat ng eksena niyang nasa kulungan ay nakunan na, “Tinuhog-tuhog na para hindi balik-balik kaya ang kinukunan ngayon ay mga eksena nina Sue, Teresa, Arjo Atayde, Ariel Rivera at Yves Flores.

Kaya naman nagkaroon din ng “alone time” si Sylvia, “Nu’ng sinabing wala akong taping ay talagang nagpunta ako sa Tagaytay, nagpamasahe ako. Talagang nagpahinga ako kaya naka-rest ako, ang sarap sa pakiramdam.”

Samantala, base sa umereng episode ng Hanggang Saan last Friday, ay nakasilip ng bagong depensa sina Paco (Arjo) sa kaso ng nanay niya dahil kasama na sa team nila ang ex-girlfriend na si Maxine Medina na isang magaling na abogada.

Ayon kay Maxine bilang si Atty. Georgette ay palalabasing self-defense ang ginawa ni Sonya dahil nga ang unang may hawak ng baril ay si Mr. Lamoste na planong barilin ang nanay ni Paco kaya
ipinagtanggol lang nito ang sarili.

Patuloy na tutukan ang Hanggang Saan dahil marami pang mabubuksang bagong twist sa kuwento.

Read more...