Ika-4 diretsong panalo asinta ng San Miguel Beermen
Mga Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
4:30 p.m. Blackwater vs GlobalPort
7 p.m. NLEX vs San Miguel Beer
Team Standings: San Miguel Beer (3-0); Magnolia (3-1); Barangay Ginebra (2-1); TNT (2-2); Rain or Shine (2-2); Blackwater (2-2); NLEX (2-2); Alaska (2-2); Phoenix (2-2); GlobalPort (1-2); Meralco (1-2); Kia (0-4)
IKAAPAT na sunod na panalo at panatiliin ang malinis nitong kartada pati na ang pagsosolo sa liderato ang asam ngayon ng San Miguel Beermen sa pagsagupa nito sa NLEX Road Wariors sa eliminasyon ng 2018 PBA Philippine Cup sa Cuneta Astrodome, Pasay City.
Una munang magsasagupa ang Blackwater Elite at GlobalPort Batang Pier sa alas-4:30 ng hapon bago ang tampok na salpukan ng Beermen at Road Warriors sa alas-7 ng gabi.
“Importanteng makapuhunan ng panalo,” sabi ni San Miguel Beer coach Leo Austria patungkol sa Beermen na nananatili na tanging koponan na may malinis na karta.
Ang kasalukuyang three-peat Philippine Cup champion na Beermen ay nakatutok sa ikaapat na diretsong panalo sa pagsagupa nito sa pilit naman puputulin ang dalawang sunod na kabiguan na Road Warriors.
Una nang nagwagi ang Beermen kontra sa Phoenix Fuel Masters (104-96), Meralco Bolts (103-97) at TNT KaTropa Texters (88-76).
Ang huling panalo ng San Miguel Beer kontra TNT na ginawa sa University of San Agustin sa Iloilo City ay nagpakita ng tunay nitong lakas mula sa manlalarong hindi kasama sa Magnificent Five nina June Mar Fajardo, Arwind Santos, Marcio Lassiter, Alex Cabagnot at Chris Ross.
Ito ay sina reserve players Brian Heruela at Matt Ganuelas-Rosser na tumulong sa matinding atake ng Beermen bago nakatuwang sina Cabagnot, Santos at Lassiter.
Ikinababahala naman ni NLEX coach Yeng Guiao ang sobrang pagkadepende ng koponan sa prized rookie na si Kiefer Ravena sa nalasap na 94-105 kabiguan kontra Magnolia Hotshots noong Linggo.
“Kiefer played a great game offensively, but that’s not our style of play. We don’t want one player to take over the game offensively and try to bring us or carry us on his shoulders for us to win,” sabi ni Guiao matapos ang kanilang ikalawang sunod na pagkatalo.
“With our system, we always won more games when more people got involved and more people scored in double figures,” sabi pa ni Guiao. “If we’re to be more competitive, more players should be involved in the game. Kiefer played a great game offensively but he did not get enough support from the rest of the team.”
Ito ay matapos na mapunta sa wala ang isinagawa ni Ravena na career high 31 puntos tampok pa ang limang assist, apat na rebound at apat na steal.
Kaya naman asam ni Guiao ang makatulong ang ibang Road Warriors upang tabunan ang dalawang sunod na kabiguan na nalasap matapos na itala ang back-to-back na panalo kontra Kia Picanto at GlobalPort Batang Pier upang makasalo sa ikaapat na puwesto ang TNT, Blackwater, Phoenix, Alaska Aces at Rain or Shine Elasto Painters sa 2-2 panalo-talong kartada.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.