NAG-CROSS ng fingers si Direk Dan Villegas na sana’y kumita ang bago niyang obra, ang “Changing Partners”. Hindi kasi masyadong tumabo sa takilya ang huli niyang pelikulang “All Of You” na kasama sa 2017 Metro Manila Film Festival.
“Kinalimutan ko na ‘yun, move forward na. Naiinom ko na ng two days ‘yun so okay na,” kaswal na sabi ni direk Dan nang makatsikahan namin pagkatapos ng presscon ng “Changing Partners” na pinagbibidahan nina Agot Isidro, Anna Luna, Sandino Martin at Jojit Lorenzo, na isang LGBT movie.
Sa nakaraang 2017 Cinema One Originals Film Festival ay top grosser ang “Changing Partners” at humakot pa ng maraming awards kabilang na ang Best Director, Best Actress, Best Actor, Best Editing, Best Music at Champion Bughaw Award for Best Film. Ito rin ang ginawaran ng Audience Award na karamihan nga sa mga nanood ay mula sa LGBT community.
Limitado lang ang araw na ibinigay sa nakaraang Cinema One Originals filmfest kaya hindi ito napanood pa ng karamihan kaya sa Enero 31 na ang pagkakataong mapanood ito ng mas maraming Pinoy mula pa rin sa Star Cinema.
Natanong din namin si direk Dan tungkol sa kontrobersyal na post ng kanyang girlfriend na si Direk Antoinette Jadaone sa blog nito kamakailan matapos ma-pack up ang shooting nila para sa bagong pelikula nina James Reid at Nadine Lustre na may titulong “Never Not Love You”. Naglabas ng sama ng loob si Direk Tonet dahil nga ilang beses nang nakansel ang kanilang shooting dahil sa iba’t ibang rason.
“Siyempre ako direktor din, kumbaga nawalan na ng buwelo for whatever reason. Kasi kami ni Tonette, may diesel factor in doing a film. Sa totoo lang sa first few days mo, kapaan kayo with the staff and actors, tapos darating ‘yung point na magkatinginan na lang kayo ng staff mo alam mo na, ‘okay ito ang kailangan nating gawin.’ Doon lumalabas ‘yung kuwento, doon lumalabas ‘yung brilliance ng director, actors, DOP (director of photography), lahat,” paliwanag ni direk na co-producer at writer ng nasabing pelikula.
Hindi kaya napuno na rin si direk Antoinette kaya nagawa na niyang magsumbong sa kanyang blog, “Well, kasi si Tonette naman very emotional person siya, ‘yun ang napi-feel niya nu’ng time na ‘yun, so ipinost niya, kasi nga nawala ‘yung buwelo (sa shooting). Maybe some people over thinking it a little bit too much,” sabi pa ng low-profile na direktor.
Tantiya ni direk Dan, anim hanggang pitong beses nang napa-pack up ang shooting ng pelikula ng JaDine, pero iba-iba naman daw ang naging problema nila, tulad ng location, hindi magkasundo sa schedule ng mga artista at iba pa.
Marahil tulad nga ng sinabi ni direk Dan ay hindi na napigilan ng kanyang kasintahan ang pagkairita kaya nag-post na ito sa kanyang blog ng, “Filming for #foolishmovie is becoming erratic. Sayang, andun na ang momentum eh. More and more shooting days cancelled – some reasons more heartbreaking than others, so heartbreaking they make me cry. Or maybe I am just being overly dramatic, or that’s just really how I value pelikula.”
Hindi man direktang pinangalanan si direk Tonet, siguradong para sa kanya ang ipinost ni Nadine sa kanyang Instagram ang resulta ng kanyang X-ray. Bukod daw sa matinding back pain at diarrhea ay nilalagnat din daw ang akttres simula pa noong Biyernes (Enero 12) kaya hindi ito nakapag-shooting.
Nabanggit din ni direk Dan na wala siyang alam sa balitang nalasing at nagka-hangover si James kaya hindi ito nakapag-report sa trabaho kinabukasan. Ayaw naman daw niyang husgahan agad si James base lang sa mga naglabasang balita. Aniya, mag-uusap-usap pa lang daw sila ng mga taga-Viva tungkol sa isyung ito.
“Baka mamayang gabi o bukas (ngayong araw) ang meeting namin sa Viva, so doon ko pa lang malalaman lahat,” saad ni direk Dan.
Itinanggi rin ni direk Dan na hindi sa Peb. 14 ang playdate ng pelikula ng JaDine, “Hindi kami aabot maski na hindi na-pack up. Ang gusto ko kasi sa project na ito ay open ang playdate, tapos mandate mismo ni boss Vic (del Rosario) na you have time para mapaganda ang pelikula kasi ‘yung tono ng pelikula hindi naki-cater ng rom-com.
“Kaya naiintindihan ko si Tonette kung saan nanggagaling ang frustrations niya. Ito kasi simple lang ang plot kumbaga ito lang ‘yung chance niya (Tonette) na makapaglaro,” kuwento pa ng direktor.