Rain or Shine Elasto Painters wagi kontra Phoenix Fuel Masters


Mga Laro sa Biyernes (Cuneta Astrodome)
4:30 p.m. Blackwater vs GlobalPort
7 p.m. NLEX vs San Miguel Beer

IPINAMALAS ng Rain or Shine Elasto Painters ang matinding opensiba sa pagbubukas pa lamang ng unang yugto kontra Phoenix Fuel Masters upang iuwi ang 120-99 panalo sa kanilang 2018 PBA Philippine Cup game Miyerkules ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Ibinagsak ng Elasto Painters ang 39 puntos sa loob ng unang 10 minuto habang nilimita sa 13 puntos lamang ang Fuel Masters upang putulin ang nalasap na dalawang sunod na kabiguan at itala ang ikalawang panalo sa apat na laro.

Pinangunahan ni Ed Daquioag, na nasa ikalawa lamang nitong taon sa liga, ang Elasto Painters sa itinala na 21 puntos, limang rebound, limang assist, isang steal at isang block bago na lamang iniwan ang laro matapos na magtamo ng pananakit ng likod matapos bumagsak sa ikatlong yugto.

Gayunman, hindi napigilan sina James Yap, Dexter Maiquez at Chris Tiu na rumatsada para sa Elasto Painters upang pigilan ang dalawang sunod na pagwawagi at ipalasap ang ikalawang kabiguan sa Fuel Masters na katabla na nito sa 2-2 panalo-talo kartada.

Umabot pa sa kabuuang 39 puntos ang pinakamalaking abante ng Rain or Shine na nagtala pa ng kabuuang 41 puntos sa ikatlong yugto upang ipalasap ang masaklap na kabiguan sa Fuel Masters matapos magpakita ng husay sa una nitong tatlong laro sa ilalim ni coach Louie Alas.

May 20 puntos si Yap, 18 kay Maiquez at 17 kay Tiu habang nag-ambag ng 11 puntos ang rookie na si Rey Nambatac para iangat ang Elasto Painters tungo na sa anim na koponang nasa ikaapat na puwesto.

Scores:

Rain Or Shine (120) – Daquioag 21, Yap 20, Maiquez 18, Tiu 17, Nambatac 11, Ponferada 10, Ahanmisi 10, Borboran 4, Norwood 4, Trollano 3, Belga 2, Matias 0.

Phoenix (99) – Wright 17, Perkins 17, Alolino 12, Chan 11, Dehesa 11, Intal 10, Erobiu 7, Kramer 5, Jazul 5, Wilson 2, Mendoza 2.

Quarterscores: 39-13, 57-40, 98-67, 120-99

Read more...