SINABI ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao kahapon na nakikipag-usap na siya para sa blockbuster bout kontra world champion Vasyl Lomachenko, na kinukunsidera bilang pinakamahusay na “pound-for-pound” fighter sa mundo.
Ang 39-anyos na si Pacquiao, na nagwagi ng mga world title sa walong weight division, ay inaasinta ang laban sa Ukrainian World Boxing Organization superfeatherweight champion sa Abril kung saan nakapahinga ito sa kanyang trabaho sa Senado.
“There are negotiations now about the number one pound-for-pound (boxer) which is Lomachenko,” sabi ni Pacquiao sa panayam sa ABS-CBN television.
“There are still talks on the weight, reducing the weight,” sabi pa ni Pacquiao, na lumalaban sa welterweight division.
Sinabi naman ng kampo ni Pacquiao sa AFP na wala pang kasunduan tungkol sa venue at aktuwal na araw ng laban kontra Lomachenko.
Kinikilala ng mga boxing expert bilang top “pound-for-pound” fighter ng mundo, ang 29-anyos na si Lomachenko ay isang beses pa lang natatalo sa kanyang 11 propesyunal na laban kung saan nagwagi ito sa pamamagitan ng knockout.
Si Pacquiao, na ang WBO welterweight title ay naagaw ng Australian boxer na si Jeff Horn noong Hulyo ng nakaraang taon, ay may record na 59 panalo, pitong talo at dalawang tabla at nasa takipsilim na ng kanyang boxing career.
Sandaling nagretiro si Pacquiao noong 2016 bago nagsagawa ng comeback fight para mahablot ang WBO title kay Jessie Vargas. Hindi pa siya nakakapagtala ng knockout win sa nakalipas na walong taon.
Sinementuhan naman ni Lomachenko, na nagwagi ng ginto sa 2008 at 2012 Olympics, ang kanyang estado noong isang taon matapos mapanatili ang kanyang hawak na WBO junior lightweight title.