HINDI na tatanggap ng mga dayuhang driver sa Saudi Arabia.
Seryoso na nga ang pagpapairal ng programang Saudization kung saan binibigyan ng prayoridad ang mga Saudi nationals upang sa kanila muna maibigay ang mga trabaho roon sa halip na tumanggap ng mga foreign workers.
Naglabas nga ng pinakahuling direktiba ang Saudi government na hindi na sila tatanggap ng mga dayuhan bilang driver. Alam nating maraming Pinoy na pagmamaneho ang ikinabubuhay sa Middle East. Kung ito ang balita, kakapit ito sa mga bagong aplikante at hindi naman ang dati nang mga driver doon.
Kung iisipin nga naman, hindi papasok sa kategoryang 3D ang pagmamaneho. Tinataguriang 3D ang mga trabahong ibinibigay sa mga foreign workers dahil tinatanggihan ito ng kanilang mga nationals.
Ito ang mga trabahong kung tawagin ay “dangerous, difficult at dirty”. Hindi lamang ito kumakapit sa Saudi. Maging sa ibang mga bansa ganyan din ang kalakaran.
Tulad nang mga trabahong bahay, pag-aalaga ng mga matatanda at maging sa mga hospital, kung may ibang mapagpipilian, hindi nila ito papasukin. Ibinibigay na lamang nila ito sa sa ibang lahi tulad ng ating mga OFW.
Pero alam naman natin ang kalibre ng Pinoy. Todo-pasa ‘ika nga. Kahit ano lang basta may trabaho. Minsan nga, kahit hindi alam ang trabaho, papapelan at aakuing alam niya para lang makaalis at makapagtrabaho sa abroad.
Dahil kung ikukumpara nga naman sa parehong trabaho sa Pilipinas, hamak na milya-milya ang diperensiya nito pagdating sa laki ng kanilang kikitain sa abroad.
Handa sila sa mga trabahong 3D. Pikit matang sasabak sa kahit anong trabaho upang makatulong at makapagpadala sa mga pamilyang maiiwan sa bansa.
Iyan din naman ang hindi maintindihan ng mga dayuhan sa kulturang Pinoy. Alam din naman nila ang pagsasakripisyo ng ating mga OFW. Alam nilang sa kanila napupunta ang mga trabahong 3D. Kaya lang, hindi nila maubos-maisip kung bakit kailangang magpadala pa ng pera ang Pinoy sa kaniyang kapamilya. Minsan, ipina-ngungutang pa nga nila ang mga ito.
Para sa ibang lahi, kung anong pinaghirapan nila, sila lang ang dapat na makinabang noon, at hindi ang ibang tao. Malaking tanong sa kanila kung bakit kailangang tumulong sa pamilya. Dapat‘anyang mag-kanya-kanya sila at huwag umasa sa iba.
Pero sadyang ganyan nga talaga tayong mga Pinoy. Kahit hindi hingian, kusa tayong palabigay. Kahit nahihirapan na, okay pa rin at hindi mariringgang nagrereklamo.
Hanggang kailan nga ba gagawin ng ating mga OFW ang mga trabahong 3D na ito para sa kanilang mga mahal sa buhay?
***
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com