MARAMING naiintriga sa pelikulang “Meet Me In St. Gallen” na pinagbibidahan nina Carlo Aquino at Bela Padilla mula sa Spring Films at Viva Films.
Base sa teaser ng pelikula, parating nagkikita sina Carlo at Bela sa isang coffee shop sa magkakaibang panahon. Ipinakita rin na nagkaroon sila ng one night stand.
Medyo bitin ang teaser na tulad din ng sa pelikulang “Kita Kita” noon nina Empoy Marquez at Alessandra de Rossi kaya naging curious ang tao at naging dahilan ito kaya naging blockbuster ang pelikula.
Kuwento ni Carlo nu’ng i-pitch daw sa kanya ang “Meet Me In St. Gallen” ay tinanong niya ng ilang beses kung siguradong siya ang gusto ng producer dahil unang beses daw niyang magiging bida sa pelikula.
“When they offered this to me, ilang beses ko silang tinanong kung sigurado ba sila na gusto nila akong kunin. Oo raw. Sabi pa nga nilang lahat sa akin, ‘Halika, sumama ka sa amin. Magiging maganda ito.’
“Nakakatuwa silang katrabaho kasi napaka-positive nilang lahat. Mahirap siya (shooting) because it’s a whole new monster. First time ko nga bilang male lead. Pero sobrang thankful ako na sa akin nila binigay itong opportunity na ito,” kuwento ni Carlo.
Sino nga naman ang hindi magugulat dahil sa loob ng 26 years ni Carlo sa showbiz ay ngayon lang may nag-alok sa kanya na maging bida at sa ibang bansa pa kukunan na ibig sabihin ay ganu’n kalaki ang tiwala sa kanya para pagkagastusan ng malaki ang movie.
“Kay Direk Irene (Villamor) galing yung concept. Nagustuhan ko siya kasi it’s not your typical romantic comedy. It also tackles moral issues.
“Naintriga din ako nu’ng sinabi nila sa akin na central ang dialogue dito sa pelikulang ito, to the point na kapag nag-buckle ka, or medyo matamlay ‘yung delivery mo, babagsak ‘yung buong pelikula.
“Never pa akong nakagawa ng ganu’ng pelikula, and naisip ko gusto ko siyang subukan, kaya ako napa-oo. Happy ako na in this lifetime, magkakaroon ako ng ganitong klaseng pelikula, at partner ko pa si Bela. Successful ‘yung mga movies niya, and she’s smart pa,” sabi pa ng binata.
Kuwento pa ni Carlo tungkol sa role niya sa pelikula, “Pareho kaming musicians pero hanggang doon lang ang similarities namin. Magkaiba kami in the sense na hindi sinusuportahan ng parents ni Jesse yung mga plano niya sa buhay. Yung parents niya may ibang plan for his life.
“Ako kasi, nu’ng lumapit ako sa parents ko at sinabi ko sa kanila na gusto kong mag-artista, sinuportahan nila ako,” say pa ng aktor.
Dagdag pa ng binata, “Mas madali to connect with people dahil sa mga gadgets, pero iba pa rin kasi kapag in person mo nakasama o nakausap ang kapwa mo. Kapag magkaharap na kayo, sigurado ka na totoo yung sinasabi niya sa ‘yo, ‘di ba? Mas ramdam mo yung sincerity. I got lost for a while, pero hindi ko pinagsisisihan yung pinagdaanan ko kasi I wouldn’t be where I am now if it weren’t for all of that.”
Matatandaang ilang taong nawala sa showbiz si Carlo, inakala naman ng lahat na naging choosy lang siya sa projects, pero ang totoo pala ay wala siyang offer kaya nga nagpalipat-lipat pa siya ng talent management pero bumalik din sa Star Magic.
Sabi ng aktor noon sa amin, “Wala naman akong offer, eh. Nasa bahay lang ako lagi, nagigitara.”
Hanggang muling nasilayan si Carlo noong 2015 sa daytime series na We Will Survive bilang partner ni Melai Cantiveros na naging dahilan pa para magselos ang asawa ng huli na si Jason Francisco.
Sinundan ito ng The Better Half noong 2016 kung saan umabot halos ng isang taon ang programa. Nakasama naman niya rito sina Shaina Magdayao, JC de Vera at Denise Laurel.
Kuwento ni Carlo, “Malaki ang pasasalamat ko sa kanilang lahat, kina Direk Ruel (Bayani) at Ms. Ginny (Ocampo), pati kay Mr. M (Johnny Manahan) na tinanggap ako ulit ng buong-buo after ilang years. Kasi kapag may naniniwala sa ‘yo, it’s easier to ignore all your insecurities. Kaya sobrang laking bagay nu’ng binigay nilang encouragement sa akin noon.”
Maski na ilang taong nawala ang aktor sa pag-arte ay hindi pa rin siya nangalawang kahit na anong role ang ibigay sa kanya ay nabibigyan niya ng hustisya.
Sino ba ang makalilimot sa linya niyang, “Akala mo lang wala, pero meron, meron, meron!” na mula sa pelikulang “Bata, Bata…Pa’no Ka Ginawa?” kung saan nakipagsabayan siya ng pag-arte kay Ms. Vilma Santos.
Dito unang naging maingay ang pangalang Carlo Aquino at sa edad na 15 ay nanalo na siya sa Gawad Urian bilang Best Actor sa pelikulang “Kahapon, May Dalawang Bata.”
“Hindi ko inasahan na magkakaroon ako ng chance na gumawa ng magagandang pelikula. Hindi ko rin inasahan yung inulan ako ng papuri.
“Nu’ng tumanda na ako, I felt like kailangan kong ma-sustain yun. Ganu’n yung naging effect sa akin ng lahat ng yun. Nagpapasalamat ako sa mga nabigay sa akin noon, pero hindi ko naiwasang ma-pressure,” aniya.
Anyway, curious kaming mapanood ang “Meet Me In St. Gallen” na showing na sa Peb. 7 mula sa direksyon at panulat ni Irene Villamor ang direktor din ng blockbuster hit na “Camp Sawi.”