AFP nakaalerto sa posibleng pagpasok ng mas marami pang foreign terrorist

Pinaigting ng Armed Forces ang pagbabantay sa mga hangganan ng bansa upang mapigilan ang pagpasok ng mas maramipang banyagang terorista, ayon sa militar.
Ayon kay AFP spokesman Col. Edgard Arevalo, posibleng may foreign fighters na nakapasok nang di napapansin dahil malawak at di sarado ang mga hangganan ng bansa.
“That is why we are also keeping a tight watch over the country’s crevices. We have enhanced our own monitoring and security posture to keep our sea and air ports in check,” sabi ni Arevalo sa isang kalatas.
Inilabas ng militar ang pahayag matapos sabihin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na kinukumpirma ng DND ang natanggap nitong impormasyon na mas marami pang banyagang terorista ang nakapasok sa pamamagitan ng southern borders.
Ayon kay Lorenzana, ang naturang isyu ay isa sa mga nagtulak sa pamahalaan na palawigin ang martial law sa Mindanao.
“Kung maraming pumapasok na mga foreign terrorists then the more we need to do it strictly sa Mindanao, fighting against them using martial law,” aniya.
Dati nang inulat ng militar na may mga banyagang tumulong sa ISIS-backed na Maute group sa pagkubkob sa Marawi City, at labanan ang mga tropa ng pamahalaan doon.
Bago iyo’y ilang taon na ring may mga naiuulat na presensiya ng mga operatiba Jemaah Islamiyah sa iba pang bahagi ng Mindanao.
Ayon kay Arevalo, tumutulong ang local at international agencies sa militar para i-monitor at pigilan ang pagpasok ng iba pang banyagang terorista.
“We have conventions and agreements with other regional and global partners, like the trilateral joint patrol agreements with Malaysia and Indonesia,” aniya.
“But at the end of the day, we need the vigilance, cooperation, and active participation of our people in the communities who can monitor and report arrival of new faces in the neighborhood,” sabi pa ni Arevalo. (John Roson)

Read more...