Huey, Gonzales hindi maglalaro sa Philippine Davis Cup team


NAKASALALAY sa mga bata ngunit puno ng karanasan na atleta ang tsansa ng Pilipinas sa pagsabak nito sa unang internasyonal na torneo ngayong taon na Davis Cup kontra sa karibal sa Southeast Asia na Indonesia sa unang round ng salpukan sa Asia Oceania Zone Group 2.

Sinabi rin ni Philippine Lawn Tennis Association (Philta) secretary-general Romeo Magat na hindi makakalaro sa kada taon na torneo ang mga beteranong sina Treat Conrad Huey at si Ruben Gonzales.

Si Huey ay hindi makakalaro dahil sa iniindang hip injury habang si Gonzales ay problema ang panggastos matapos na hindi maibalik ang kanyang ginastos sa mga sinalihang kompetisyon.

“Isasabak natin ang mga bata para madagdagan ang ekspiriyensa,” sabi ni Magat, sa torneo kung saan nais ng Pilipinas na makabalik sa mas matindi ang labanan na Group 1 matapos na mahulog noong 2012 sa Group 2.

Huling tinalo ng mga Pinoy sa kanilang laban noong nakaraang taon, 4-1, ang mga Indonesian sa Maynila sa pamumuno nina Huey at Gonzales upang tumuntong sa sunod na labanan kontra Thailand.

Gayunman, winalis ito ng Thais, 0-5, dahil sa pagkawala nina Huey, Gonzales at Francis Casey Alcantara.
Sasandigan ng ranked No. 51 sa mundo na Pilipinas sina AJ Lim, Jeson Patrombon, PJ Tierro at ilang papaangat na mga batang manlalaro partikular ang 2017 PCA Open champion na si John Bryan Otico.

Ipipinalisa ng Philta ang bubuo sa koponan bago umalis sa dapat sanang tatlong araw na torneo subalit ginawa na lamang dalawa simula Pebrero 3 at 4 sa Gelora Bung Karo Tennis Stadium Complex sa Jakarta, Indonesia.

Sakaling magwagi ang Pilipinas ay makakatapat nito sa ikalawang round ang alinman sa magwawagi sa pagitan ng top seed na Thailand at Sri Lanka sa Abril 7 at 8. Isasagawa ang final round sa Setyembre 15 at 16.

Ang tatanghaling kampeon sa huling round ang tutuntong sa Group 1 sa 2019.

Read more...