JRU dinaig ang SSC sa NCAA women’s volleyball


NAGLIYAB para sa Jose Rizal University si Shola Alvarez sa pagtala ng pinakamaganda nitong laro upang itulak ang Lady Bombers sa panalo kontra San Sebastian College Lady Stags, 27-25, 25-23, 22-25, 16-25, 15-12, sa NCAA Season 93 women’s volleyball tournament Lunes sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.

Umiskor ang 20-anyos na si Alvarez, na hinasa ang laro sa pagsabak sa Pocari Sweat sa Premier Volleyball League, ng 28 puntos, 24 mula sa spike at apat sa blocks, upang tulungan din ang Lady Bombers na itala ang una nitong panalo ngayong taon.

“Naging inspirasyon namin na putulin ang hindi pa kami nakakapagwagi kontra San Sebastian bago pa man ako naging coach dito limang taon na ang nakaraan,” sabi ni JRU coach Mia Tioseco. “Kaya naman masayang-masaya kami na nakagawa kami ng sarili naming kasaysayan.”

Ang kabiguan ay una naman para sa San Sebastian sa eliminasyon ng torneo sa nakalipas na dalawang taon kung saan ay nagawa nitong walisin ang lahat ng mga laro tungo sa pagtuntong diretso sa finals bago na lamang unang nabigo sa College of St. Benilde noong 2016 at kontra Arellano University noong nakaraang taon.

Asam naman ni Alvarez, na nasa kanyang ikalima at huling taon sa liga, na makatuntong sa Final Four sa unang pagkakataon bago matapos ang kanyang paglalalaro.

“Huling taon ko na po ngayon at siyempre po umaasa ako na makapaglaro at ma-experience ang Final Four,” sabi ng mula Masbate na si Alvarez.

Nagtabla sa 1-1 panalo-talong karta ang JRU at San Sebastian para magsalo sa ikalima hanggang ikapitong puwesto.

Samantala, dinomina ng Letran para sa una rin nitong panalo matapos ang dalawang laro ang Mapua sa loob lamang ng tatlong set para iuwi ang 25-22, 25-17 at 25-19 panalo.

Nagtala si Marie Simborio ng 16 puntos, 10 mula sa kills at anim sa walong service ace ng Lady Knights.

Tumulong sina Elizza Abitan at Kathleen Barrinuevo na kapwa may pitong puntos para sa Letran na nakabawi sa unang araw nitong kabiguan kontra College of St. Benilde.

Read more...