Arellano nakopo ang solo lead sa NCAA women’s volleyball


Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
9:30 a.m. Letran vs Mapua (men)
11 a.m. Letran vs Mapua (women)
12:30 p.m. JRU vs San Sebastian (women)
2 p.m. JRU vs San Sebastian (men)

HINDI napigilan ang Arellano University Lady Chiefs na okupahan ang solong liderato matapos biguin ang Emilio Aguinaldo College Lady Generals, 25-19, 25-12, 25-11, habang nagpadama rin ng matinding intensyon ang University of Perpetual Help Lady Altas sa inuwi nito na 25-21, 25-17, 25-22 panalo kontra Lyceum of the Philippines University Lady Pirates sa pagpapatuloy ng NCAA Season 93 women’s volleyball competition Linggo sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.

Sinandigan ng Lady Chiefs ang rookie transferee mula Letran na si Necole Ebuen na itinala ang 15 puntos mula sa 12 kills habang si Jovielyn Prado ay nagtipon ng 12 puntos para sa Arellano na una nang binigo ang nakatapat na Mapua University Lady Cardinals, 25-10, 25-17, 25-13, sa una nitong laro para magsolo sa unahang puwesto.

Ang panalo ay kabuuang 14 na sunod ng Arellano dagdag ang 12 diretsong pagwawagi noong nakaraang taon matapos nitong itala ang walong sunod sa eliminasyon, isa sa krusyal na stepladder at tatlong sunod sa kampeonato sa makasaysayan nitong pagwawalis para masungkit ang titulo sa may thrice-to-beat bentahe na San Sebastian College.

“Gusto namin makuha ang lahat ng puwede namin na makuhang panalo dahil mahirap ang kasalukuyang format,” sabi ni Arellano coach Obet Javier.

Impresibo rin ang ipinakitang paglalaro ng Lady Altas sa ilalim ng bagong coach na si Macky Carino.

Nagtulong-tulong sina Maria Lourdes Clemente, Cindy Imbo at Maria Aurora Blanca Tripoli sa pagtala ng 14, 13 at 10 puntos habang nag-ambag si Jowie Albert Verzosa ng pitong puntos matapos akuin ang puwesto ng starter na si Jhona Rosal, na hindi matukoy kung makakabalik sa koponan dahil sa ovarian cyst.

“It was unfortunate that it happened, we just pray for her that she gets well soon and still play for us this season,” sabi ni Carino, na dating itinulak sa titulo ang College of St. Benilde, patungkol kay Rosal.

Sa naunang mga laro ay binigo ng Perpetual Help ang LPU, 25-18, 25-20, 25-13, para simulan sa panalo ang nais nitong pagtatanggol sa korona sa juniors division habang nanalo rin ito kontra LPU Pirates, 25-19, 25-13, 25-18, sa men’s division.

Read more...