Mga Laro sa Miyerkules
(Smart Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Kia vs Magnolia
7 p.m. Alaska vs Meralco
IPINAMALAS ng Phoenix Fuel Masters ang matinding kaseryosohan sa inaasam nitong pagtuntong sa playoffs matapos gulantangin ang dating may malinis na karta at nangungunang NLEX Road Warriors, 102-95, sa pagpapatuloy ng 2018 PBA Philippine Cup elimination round Linggo sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Nagtulong ang naging miyembro ng Gilas Pilipinas na sina Matthew Wright at Jeff Chan sa pagratsada ng Fuel Masters sa ikalawa at ikatlong yugto kung saan umiskor ang koponan ng 35 at 34 puntos upang itala ang ikalawang sunod nitong panalo at makisalo sa ikatlong puwesto sa 2-1 panalo-talong kartada.
Kumulekta si Wright ng 19 puntos tampok ang apat na tres, limang rebound at pitong assist habang si Chan ay may 18 puntos, anim na rebound at tatlong assist kontra sa kanyang dating coach sa Rain or Shine na si Yeng Guiao upang putulin ang dalawang sunod ang panalo ng Road Warriors.
Nagtala ng 16 puntos mula sa turnovers ang Fuel Masters habang mayroon itong 52 puntos sa shaded area at may 22 puntos mula sa second chance points. Mayroon din itong 15 fastbreak points at may nakuhang malaking ambag na 56 puntos mula sa bench. Naitala ng Phoenix ang pinakamalaking abante sa 17 puntos.
“The key there was we were able to contain their perimeter guys,” sabi ni Phoenix coach Louie Alas. “Ma-limit mo lang production nila, I guess we’re in good shape.”
Si Jason Perkins, ang fourth overall pick sa nakaraang Rookie Draft, ay nagtapos na may 14 puntos at walong rebound.
Kumana si Larry Fonacier ng 22 puntos para pamunuan ang Road Warriors, na nalasap ang unang pagkatalo matapos ang tatlong laro.
Sa ikalawang laro, nauwi ng Barangay Ginebra Gin Kings ang ikalawang sunod na panalo matapos maungusan ang Globalport Batang Pier, 104-97.