9 BIFF, 1 kawal patay sa bakbakan

SIYAM na kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at isang sundalo ang nasawi sa sagupaan sa Datu Unsay, Maguindanao, Sabado ng gabi, ayon sa militar.
 
Sugatan din ang isa pang kawal, habang pinaniniwalaan na may mga nasugatan din sa BIFF, sabi ni Capt. Arvin Encinas, tagapagsalita ng Army 6th Infantry Division.
 
Nagsimula ang sagupaan sa Brgy. Maitumaig alas-7:23 at tumagal hanggang hatinggabi, aniya. 
 
Nagsasagawa ng combat operations ang 64th Division Reconnaissance Company nang makasagupa ang tinatayang 50 kasapi ng BIFF na pinamumunuan ni commander “Karialan.”
 
“Naunahan natin ‘yung grupo na ‘yan, natambangan ng mga kasundaluhan natin kaya nagkaroon sila ng hindi bababa sa siyam na casualty,” ani Encinas. 
 
Gumamit din ang mga tropa ng pamahalaan ng air at artillery fire noong ksagsagan ng engkuwentro, para suportahan ang ground troops, aniya.
 
Narekober ng mga sundalo ang bangkay ng limang napatay na kasapi ng BIFF at nakatanggap ng ulat na may apat na iba pang nasawi, ani Encinas. 

Read more...