Milagro ng Poong Nazareno

KAPAG ikaw ay lumaki sa Maynila, ang bawat labas ng Nazareno sa simbahan ng Quiapo, maging piyesta man o Mahal na Araw, ay isang malaking aktibidad, lalo sa amin sa Balic-Balic Sampaloc.
Madaling araw pa lang, maraming kapitbahay ko ang nakapaa at naka-violet na damit, lalaki, babae, matanda o bata. Noong 1960s at 70s, nilalakad lang namin ang Quiapo dahil kokonti ang dadaanang mga bahay at abot tanaw mo ang lapit nito.
Kayat sa mga taal na taga-Maynila, ang pagpasan, paglubid, pag-akyat sa andas, o pagbato ng twalya sa mahal na Poon ay isang tradis-yong nasa puso. May mga pagkakataon nga na maski magkakaaway ay parang may “ceasefire” pagdating o kapag nagkita sa Quiapo.
Noon, sinubukan kong pumasan pero umatras din nang makita ko ang matinding panganib nito. Walang gulong ang andas at merong napipisa noon sa ilalim o kaya’y nabibigti sa hilahan ng lubid at iba pa.
Sa totoo lang, humahanga ako hanggang ngayon sa mga taong nakapaligid sa Senyor kapag ganitong prusis-yon.
Pero hindi nawala ang paniniwala natin. Patuloy ang ating debosyon, ang pagdarasal kahit hindi pisikal ang pag-aalay ng lahat ng ating gawain.
Katunayan, isang napakalaking milagro ang ibinigay niya sa aming mag-asawa maraming taon na ang nakalilipas. Isang bagay na nagsilbing “turning point” o nagbagong giya sa a-ming pananaw sa buhay. Ito’y kinukwento ko sa aking programa sa radyo o maging sa mga luma o bagong kakilala.
Enero, 1986 nang magkaroon ng mabigat na karamdaman si misis na kailangan ng agarang operasyon sa loob ng 24 oras. Ang sabi ng doktor sa UST Hospital, ito’y para mapigilang malason ang dugo niya na nagiging sanhi ng tumitinding sakit sa tiyan na maaari niyang ikamatay.
Sa madaling salita, kailangan kong maghanap ng P7,000 pang-deposito sa ospital at ang iba pang pambayad sa doktor at mismong operasyon. Ang kaso, P700 lang ang pera ko sa bulsa at kulang din ang savings namin.
Ako’y freelance journalist lamang noon at talagang sapat lamang ang kinikita. Walang choice kundi kailangan kong lumapit sa malalapit kong mga ka-kilala at kaibigan. Sa a-king pagkalito, nagdesisyon akong lumapit sa pitong tao na kadalasan ay nasa abroad o nasa out of town. Pero, sa isip ko bahala na. At sa aking tulirong paglalakad at pag-iisip, napadpad at pumasok ako sa simbahan ng Quiapo.
Sabi ko, Mahal na Poon, surrender na ako, nasa iyo na ang buhay ng asawa ko, Huwag mo siyang pabayaan, ako at ang anak namin. Sabi ko kay Lord, sa iyo na ang P500, at iikot ako sa mga kaibigan, magtitira lang ako ng P200 na pamasahe, pantawag at pagkain.
Ilang oras ang nakalipas, akalain ko bang milagro na naritong lahat ang mga kaibigang nilapitan ko at lahat sila ay nagbigay ng tulong. Sa madaling salita, nairaos ang matagumpay na o-perasyon. Naging kaibigan ko pa ang surgeon at hindi nagpabayad ng serbisyo. Ika nga, nag-uumapaw ang mga tulong at biyaya matapos lumapit ako sa kanya sa panahong ako’y dapang-dapa. Maraming salamat po, Viva Senor Jesus Nazareno!

Read more...