TULOY-tuloy lamang sa pagtatrabaho si Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez sa kabila ng banta ng 90 days preventive suspension kaugnay sa graft case na inihain laban sa kanya sa Sandiganbayan.
Sinabi mismo ni PSC Executive Director Atty. Sannah Frivaldo na aktibong ginagampanan ni Ramirez ang kanyang trabaho bago pa magsimula ang Bagong Taon.
“He is not on leave, in fact, I just talked to him twice early this morning with regards to some concern,” sabi ni Frivaldo. “We did not receive any documents or order of suspension, and if kung meron man, we will make it sure to furnish you a copy and other details.”
Ipinaliwanag pa ni Frivaldo na siya dapat mismo ang makakaalam kung may importanteng dokumento partikular sa mga namumunong opisyales ng ahensiya upang agad nitong maaksyunan at hindi maapektuhan ang iba’t-ibang gawain ng kanilang departamento.
“If there would be a suspension order, I should have been receiving now special instructions from the chairman,” dagdag ni Frivaldo. “But up to now, our good chairman is doing his usual job for the athletes and the commission and in fact is on an important meeting in his office at Ultra.’’
Ang reaksyon ni Frivaldo ay matapos na iulat ang nakatakdang pagsisilbi ng suspension order kay Ramirez mula sa Sandiganbayan hinggil sa nakasangkutan nito na kaso na SB-17-CRM-06-27 o Violation of Section 3(e) of Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.