Paano bubuhayin ang anak kung wala si mister?

DEAR Ateng,

Magandang araw po. Tulungan mo naman ako ateng sa problem ko.

Matagal ko nang iniisip na makipaghiwalay sa asawa ko. Hindi ko naman magawa dahil problema ko ay kung paano ko bubuhayin ang dalawa naming anak na sakaling makipaghiwalay ako sa kanya.

Hindi ko na po kasi matiis ang mga pangloloko niya. May babae siya at ang alam ko ay naanakan na niya ito. Hindi na siya parating umuuwi sa bahay, pero di naman siya nagkukulang ng suportang pinansiyal sa amin. Ang kaso nanliliit na ang pagkatao ko sa ginagawa niya. Ano ba ang dapat kong gawin?

– Cecilia
ng Ilocos Sur

 

Hello, Cecilia!
Naku, ateng, ‘yang mga ganyang bagay, tinutuluyan ‘yan.

As kung paano mo bubuhayin ang mga anak mo, alam kong makakahanap ka ng paraan. May kasabihan na kapag gusto, maraming paraan, kapag ayaw maraming dahilan.

Kaya maraming paraan kapag talagang ginusto mo, hindi ba? At pag ayaw (kahit sinasabi mong gusto mo) ay marami ring dahilan.

Kahit magtinda ng fish ball o bananacue ay makararaos din kayo. Makakahanap at makakahanap ka ng paraan para buhayin ang mga anak mo. O di naman kaya ay idaan mo sa legal na aksyon. Idaan ninyo sa DSWD at magpirmahan kayo sa barangay o sa korte na susuportahan niya ang mga anak ninyo kahit kayo ay magkahiwalay na bilang mag-asawa. Magtanong-tanong ka diyan sa inyo. O kaya sumangguni ka sa Public Attorney’s Office para magabayan ka sa kung anong legal na hakbang ang pwede mong gawin laban diyan sa pasaway mong mister.

Huwag kang masanay na binabastos o binabalahura ka na ng asawa mo. Habang pinagbibigyan mo siya ay lalo ka niyang mamaliitin.

Iligtas mo ang sarili mo at nang mailigtas mo rin ang mga anak mo. Lalong walang mangyayari sa kanila kapag nagpauto at nagpagamit ka diyan sa walanghiya mong asawa (excuse my French!). At gusto mo bang kalakhan ng mga anak mo na makita kang binabastos ng kanilang ama?

Huwag kang matakot humingi ng tulong sa mga kamag- anak mo o kamag anak niya na makakaintindi sa inyo. Hingan mo rin ng tulong ang mga ninong at ninang ninyo sa kasal, ‘yun ang silbi nila sa buhay ninyo! At higit sa lahat sagipin mo ang sarili mo, ang pagkatao mo !

Good luck.

May nais ka bang isangguni kay
Ateng Beth? I-text sa 09156414963

Read more...