Mayayabang na tanod

NAPAKALAKAS ng tukso sa pag-aangkin ng karangalan at papuri. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (1 Jn 2:22-28; Slm 98; Jn 1:19-28) sa paggunita kina San Basilio at San Gregorio, mga obispo’t pantas.

Aangkinin ang karangalan kung ang niratrat na Mitsubishi Adventure ay sakay nga ang hinahabol na mga suspek at bubuhos ang papuri kung nagkaganoon nga. Aangkinin ang karangalan kung hindi hinayaang mamatay ang SAF 44 at babaha ang parangal.

Pero, hindi naganap ang akala dahil wala ang Diyos bilang gabay sa kanilang trabaho. Kilalang mayayabang ang mga tanod dahil ang lungsod ay pinagharian ng Abalos dynasty (galit na nga si Bato sa mga politiko). Ang mga riders ay nagsasabi na kahit traffic clearing personnel ay de-baril at kinatatakutan. Dahil politiko at kapangyarihan ang panginoon.

Wala rin ang Diyos sa masaker sa Mamasapano dahil maitim ang misyon at inilihim sa pamunuan ng AFP at PNP, na ang mga kasinungalingan ay nabuyangyang na. Sino’ng nakaaalala na tumawag at nanalangin sa Diyos si Aquino, bagaman ginawang holiday ni Digong ang kapistahan ng Immaculate Conception (sablay pa rin ito dahil ang inuna dapat ay ang pagtatalaga ng Pilipinas sa Mahal na Birhen, tulad ng inihayag kina Lucia, Francisco, Jacinta at Bernadette; isinunod ang pagsisisi at pagro-rosaryo)?

Muling ipinakita na ang mayayabang ay ibinabagsak. Marami na ang ibinagsak na lumagapak sa labis na kahihiyan, na ayaw na nilang humarap sa tao, tulad ng nais ng ilang tanod na biglang naglaho. Sa kanilang ginawa, ipagtatanggol ba sila ng kanilang mga pinuno? Anong hibla ng palusot ang ihahabi ng kanilang abogado?

Ang 2018 ay posibilidad at oportunidad sa mga magnanakaw at politiko sa North Caloocan. Sa kapaskuhan, maliliit na nakawan ang inireklamo sa purok, at di na nakarating sa barangay. Sinisi pa ang mga biktima, na hindi nag-ingat. Ganyan din ang diskarte ng mga politiko. Ang taon ay bisperas ng halalan. Di dapat palampasin ang oportunidad, kundi’y maglalaho ang posibilidad ng poder.
qqq
Wala akong tiwala sa Department of Health, kahit ipinagbunyi ni Secretary Duque na malaki ang ibinaba ng bilang ng naputukan. Si Digong (EO 28) ang sanhi kung bakit malaki na nabawas sa mga naputukan. Babalik lamang ang tiwala ko sa DoH (malaki ang tiwala ko kay Juan Flavier) kung nasa bilangguan na sina Aquino, Garin, Abad, et al. Bagaman di pa sapat yan bilang kabayaran sa mga namatay, Diyos ang magpupuno sa Kanyang paniningil.

Magandang pakinggan sa DU30 adm: libreng kolehiyo; tungkulin ng gobyerno na bigyan ng de-kalidad na edukasyon ang kabataan. Hu-hu-hu. Libreng kolehiyo sa di makapag-Ingles, barok ang Tagalog? De-kalidad na edukasyon sa mga college grads na bobo sa lengguwahe? Kung buhay lamang si Ka Blas, na di nakapagtapos ng kolehiyo, marahil kanyang uulitin: yung katangahang natutunan sa kolehiyo, ibasura’t iwasto kapag obrero na!

PAGBABAHAGI sa Nilayan (Nilay-ugnayan sa Ebanghelyo; Hagonoy, Bulacan): Kung ang pag-ibig ay sinelyuhan ng basbas ng Panginoon, di ka dapat maningil ng iyong gastos ngayong iniputan ka niya. Libre ang lahat ng gastos at ibinigay mo sa kanya noon dahil mahal mo siya, o di pa nakakamtan ang nais; kaya wala kang kukuwentahin at sisingilin.

PANALANGIN: Tularan si Juan Bautista, na hindi oportunista.

MULA sa bayan (0916-5401958): Hinihintay na namin ang bista ni Trillanes sa Davao City. ….9877, Bangkerohan

May droga pa rin sa Barangay Tambler, General Santos City. Hindi alam ni Kap. …3411.

Read more...