KAPAG nasa katwiran, ipinaglalaban ito ng ating mga OFW.
Mahusay ang judicial system ng bansang Hong Kong. Kahit ano pa ang lahi ng akusado, natitikman nila ang tunay na hustisya.
Tulad na lamang ng tatlong sunod-sunod na panalo sa mga kaso ng ating mga kababayan doon kamakailan lang.
Sinampahan ng kasong pagnanakaw si Jenalyn ng kanyang employer kahit kadarating lamang niya sa Hong Kong noong Agosto 2017.
Isang buwan pa lamang siyang nakakapagtrabaho roon nang nag-resign siya dahil hindi raw siya pinakakain nang maayos.
Nagpaalam siya sa kanyang employer at pumayag naman ito. Nang papaalis na si Jenalyn, sabi ng amo, hintayin muna nito ang paparating na mga pulis.
Nagreklamo pala ito na nawawala ang kanyang relo. Matapos halughugin ang bag ng Pinay, nakitang naroroon ang relong sinasabi ng amo.
Isinampa ang kaso sa West Kowloon Court. Matapos ang ilang mga pagdinig, inabswelto ng korte ang OFW dahil bukod sa malinis ang record nito, wala ring naiprisentang matibay na ebidensiya ang kanyang amo na magpapatunay na ninakaw nga ng OFW ang kaniyang relo kundi sinadya niyang ilagay iyon sa bag ng OFW.
Kaso rin ng pagnanakaw ang isinampa ng employer kay Anna. Ngunit hindi rin ito mapatunayan ng kanyang employer. Hindi umurong ang ating kabayan. Determinado siyang mapawalang-sala sa kasong ibinibintang sa kanya dahil alam niyang hindi kayang patunayan iyon ng kanyang employer.
Palibhasa’y tumatagal ang pagdinig sa kaso at naka-pending pa ito sa kasalukuyan kung kaya’t nagkasundo na lamang ang dalawang panig na sa pakikipag-areglo. Binayaran na lamang ang Pinay ng 50,000 HKD ng kanyang amo at wala na itong kaso pa.
Panalo rin ang OFW na pinagtrabaho ng kanyang mga employer sa China. Guilty sa kasong Conspiracy to Defraud ang kanyang mga amo at recruitment agent dahil sa ginawang panloloko ng mga ito sa HK Immigration na sa loob lamang ng Hong Kong nila pinagtrabaho ang Pinay.
Ipinagbabawal ng HK government ang pagpapalabas o pagpapatrabaho ng mga manggagawa nito sa labas ng HK. Hindi rin sila maaaring ipasa o pagtrabahuhin sa mga kakilala o kamag-anak ng kanilang mga employer.
Kung sino lamang ang nakasaad na pangalan at address ng employer, doon lamang sila dapat manatili at magtrabaho.
Napakahalaga ang pagtataglay ng tumpak na kaalaman sa pangingibang-bayan. Hindi pupuwede ang mga kataga na, “Hindi nila kasi alam yun”.
Kapag nag-OFW ay dapat alam nila ang kanilang pinapasok. Dapat alam nila ang mga batas at karapatan ng isang OFW. Dahil kung may sapat na kaalaman, hindi sila maaabuso. At kung may pang-aabuso man, alam nilang ipagtanggol ang kanilang mga sarili.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com