Di bababa sa 10 katao, karamiha’y menor de edad, ang nalunod noong kasagsagan ng bakasyon para sa Bagong Taon, sa iba-ibang bahagi ng bansa, ayon sa mga awtoridad.
Marami sa mga insidente’y naganap habang nagsi-swimming ang mga biktima at kanilang pamilya sa dagat at ilog, batay sa mga ulat na nakalap ng Bandera.
Sa Pangasinan, nalunod sina Joven Canuela, 16; at Romnick Gonzales, 21; sa magkakahiwalay na insidente sa mga bayan ng Sual at San Fabian, pasado alas-3 ng hapon Lunes, ayon sa ulat ng provincial police.
Kapwa nagsi-swimming sa beach at inanod ng malakas na water current ang dalawa, ayon sa pulisya.
Halos kasabay nito, dakong alas-3 ng hapon Lunes, nalunod ang 12-anyos na si Kurt Bawi Blanker, residente ng Malabon City, nang mag-swimming sa bahagi ng Magat Dam sa Alfonso Lista, Ifugao, ayon sa ulat ng Cordillera regional police.
Una nang inulat ng Bandera na nalunod ang isang 17-anyos na dalagita at kanyang tiyuhin nang mag-swimming sa Currimao, Ilocos Norte, noong Linggo.
Noong ding Linggo, nalunod si Janjan Hizon, 10, matapos madulas habang naglalaro sa gilid ng ilog sa Dasmariñas City, ayon sa ulat ng Cavite provincial police.
Pinaniniwalaang nadulas din habang naglalaro si Alfredo Tina, 9, sa gilid naman ng tulay sa Brgy. Ombao Polpog, Bula, noong Lunes ng gabi, kaya nahulog at nalunod sa ilog, ayon sa Camarines Sur provincial police.
Sa Zamboanga City, nalunod naman sa magkahiwalay na insidente sina Wilson Rania, 42, at Mohammad Isa Tala, 5, noong Lunes ng tanghali at hapon.
Nalunod si Rania habang nagsi-swimming kasama ang barkada sa dalampasigan ng R.T. Lim Boulevard, habang si Tala ay pinaniniwalaang napabayaan kaya nalunod sa Sky View Resort, sa Brgy. San Roque, ayon sa Zamboanga Peninsula regional police.
Lunes ng umaga din nang malunod ang 1 taon at 9 buwang sanggol na si Princess Ann Baguna Baricuatro, sa Zamboanga Sibugay.
Isinugod ang sanggol sa ospital sakay ng motorsiklo at naaksidente pa ang sasakyan sa Brgy. Poblacion, bayan ng Imelda, pasado alas-9, ayon sa regional police.
Sugatan ang driver ng motor na si Jessamae Peñuela Arosa, 20, pati ang tatlong sakay ng nabundol niyang motor, habang dead on arrival ang sanggol na kanyang itinatakbo sa ospital, ayon sa pulisya.
MOST READ
LATEST STORIES