MUKHANG pinanindigan na ni Coco Martin ang pagkakaroon ng kaparehong imahe ng yumaong National Artist for Film na si Fernando Poe, Jr., na kahit isang tinitingalang personalidad sa industriya ng pelikula noong kapanahunan niya, ay hindi basta-basta dumadalo sa mga awards night kahit na nominado siya o ang kanyang pelikula.
Sa katatapos na 2017 MMFF Gabi ng Parangal, marami ang naghanap sa aktor-direktor-producer na pinarangalan ng Jury Prize dahil sa pagbibigay ng bagong anyo sa obra ni Da King FPJ, na “Ang Panday.”
Tama ang tinuran ng kanyang manager na si Mother Biboy Arboleda na sadyang nakapanliit na maihanay si Coco sa liga ng mga National Artists na binigyan ng parangal ng MMFF Jury.
But then again, sino ang makakukuwestyon sa desisyon ng Jury at sa nag-uumapaw na katotohanan na sa panahong ito, ang dedikasyon, motibasyon at aksyon ng isang Coco Martin para tulungan ang industriya at paunlarin ang sining sa paraang alam niya, ay kapuri-puri namang talaga.