ISANG payapa, produktibo at positibong Bagong Taon para sa ating lahat! Napakabilis talaga ng panahon, ngayon ay nagpalit na tayo ng numero sa kalendaryo, Year Of The Dog na ang aabangan natin sa Pebrero.
Wala mang pakpak ang panahon ay napakatulin ng kanyang paglipad. Parang kailan lang ay aligagang-aligaga tayo sa paghahanda sa Pasko, pero nu’ng isang gabi ay nagputukan na, bilang pagsalubong natin sa 2018.
At siyempre’y hindi magpapahuli ang mundo ng lokal na aliwan, siguradong maraming pangyayari sa showbiz na ikatutuwa ng marami at ikawiwindang naman ng ibang kampo, tuluy-tuloy ang paggiling ng makinarya ng pinakamasayang libangan sa buong mundo. Tsismis.
Una sa listahan ng gusto naming asahan para sa pagpasok ng taong 2018 ay ang pagbabago ng pagkakasalansan ng mga bituin sa buhay at karera ni Kris Aquino.
Harinawang may pintuan na ng network para sa isang programang pagrereynahan niya.
Magdadalawang taon nang wala sa himpapawid si Kris mula nang magsarado ang pintuan ng ABS-CBN para sa kanya, sinikap niyang makapasok sa GMA 7 sa pagnininong ni Willie Revillame, pero hindi pa para sa kanya ang taong nakaraan.
Maraming kapalarang magbabago ngayong 2018, may mga pangyayaring puwedeng ikagulat natin, sana nga ay ang pagbabalik na sa telebisyon ni Kris Aquino ang isa sa mga senaryong magpapalaki ng mga mata natin.
Harinawa.