Melindo bigo kay Taguchi


KABIGUAN bago pumasok ang taong 2018 ang sumalubong kay Milan Melindo matapos na mabigo kay Ryoichi Taguchi ng Japan sa kanilang 12-round, 108-pound unification title fight Linggo ng gabi sa Tokyo, Japan.

Napaganda ng 31-anyos na si Taguchi ang kanyang win-loss-draw record sa 27-2-2 na may 12 knockout win matapos na magwagi ito sa pamamagitan ng unanimous decision kontra Melindo, na nahulog sa 37-3 at 13 KOs record.

Napanatili ni Taguchi ang hawak na World Boxing Organization (WBA) light flyweight championship belt habang naagaw nito ang International Boxing Federation (IBF) title ni Melindo.

Ang mga hurado ay nagbigay ng mga iskor na 116-112, 117-111 at 117-111, pabor lahat kay Taguchi.

Agad napagtamaan ni Melindo sa katawan at isang left uppercut ang kalaban sa pagsisimula ng labanan bago na lamang ginamit ng kalabang WBA titleholder ang apat na pulgada na bentahe sa tangkad at dalawang pulgada na layo sa braso upang kontrolin ang Pilipinong kampeon.

Naging agresibo pa si Melindo hanggang sa ikalimang round sa pagtantiya nito sa laban bago na lamang nagtamo ng hiwa sa kaliwang mata bunga ng aksidenteng pagbabanggaan ng kanilang mga ulo.

Isa pang accidental headbutt sa ika-10 round ang nagdulot naman ng putok sa ulo ni Taguchi dahil sa matinding paghabol dito ni Melindo na unti-unting kinapos pagpasok sa ikawalong round.

Nagtamo pa si Taguchi ng sugat sa kaliwang mata sa ika-11 round ng laban subalit hindi ito naging hadlang para masungkit ang panalo.

Ito ang ikapitong pagdepensa ni Taguchi sa kanyang WBA belt na kanyang napanalunan tatlong taon na ang nakalipas kontra sa Peruvian na si Alberto Rossel.

Bago ang laban kay Taguchi, matagumpay na naidepensa ni Melindo ang kanyang IBF belt kay Hekie Budler.

Read more...