ANG di nagsasagawa ng katotohanan ay sinungaling. Kung sasabihing di tayo nagsisinungaling, ginagawa natin Siyang sinungaling. Iyan ang Pagninilay sa Unang Pagbasa ng Ebanghelyo (1 Jn 1:5, 2:2; Slm 124:2-3, 4-5, 7b-8; Mt 2:13-18) sa kapistahan ng Banal na Sanggol na Walang Kamalayan.
Welcome 2018, taon ng mga sinungaling. Sa 2017, ang kasinungalingan ay nagbabagang busilak sa mga pagdinig sa Senado’t Kamara de Rep: igigiit ang karapatang pribado’t pananahimik at laban sa self-incrimination; sa dilawang Minion, “do ko alam;” sa gobyernong dapang kamao, “good faith” kahit bad-Dengvaxia; sa LGUs, “drug-free kami;” sa mag-asawa, ka-espadahan at ka-pompiyangan “tapat ako,” hanggang sa tumulo sa ari ang katibayan ng DOH.
Ang kasinungalingan sa simbahang Katolika ay mapupuna sa Misa sa Linggo (huwag na yung araw-araw): di pinakinggan ang Unang Pagbasa, Salmong Tugunan, Ikalawang Pagbasa at Mabuting Balita; di yumuyukod sa pagdaan sa Santisimo Sakramento, di yumuyukod sa pagtanggap ng Ostiya. Habang itinataas ang Katawan at Dugo, nakikipag-usap sa katabi, o nakikipag-text. Kasinungalingan!
Babaha ang kasinungalingan sa 2018 dahil ito’y bisperas ng eleksyon sa 2019. Kasinungalingan din ang ikakampanya ng Sanofi sa media (magkano?), na track record na binanggit ni Dick Gordon at sinagot ni Noy na “di ko alam.” Dalawang kolumnista at dalawang kumaintarista ang pahapyaw na tagapagtanggol ng Sanofi. Mga sinungaling!
Natapos na rin ang pagsisinungaling ni Villegas at nakabantay pa ang mga pari kung gagawin din ito ni Valles, na kilalang dikit-Duterte. Bakit ginamit ni Villegas ang multo ni Marcos gayung bastante sa Malacanang si Sin noon? Di ba’t ilang obispo’t pari na ang nagpakumpisal at nag-Misa kay Marcos habang siya’y nakaratay sa sakit? Nang humingi ng kapatawaran si Marcos sa Hawaii, di pa ba sapat ito at kondenahin pa siya sa apoy?
Natutuwa ang demonyo sa dami ng patay sa kalye sa aksidente (Dis. 2017). Alak at hindi antok ang dahilan. Bakit naaaksidente ang patungong simbahan? Hindi sila nagdadasal kontra demonyo (Prayer Against Every Evil, ni Fr. Jocis Syquia, head exorcist ng bansa). Nalulukuban ng demonyo ang bansa.
Marami ang namatay sa mga bagyo’t baha? Di ba’t ang illegal logging ay mas talamak sa Mindanao, kesa Visayas at Luzon? Bumuyangyang lamang ang kalbong mga bundok sa Mindanao nang bagyuhin na ito, na di naman nangyayari noon. Bakit tahimik ang political dynasties, Moro o Kristiyano, sa Mindanao?
Ang Diyos ay kumikilos sa pamamagitan ng ating gawa. Ayon kay Pope Francis, inaalo tayo ng Diyos dahil mas may pag-asa kesa kabiguan, pag-ibig kesa muhi, buhay kesa kamatayan. Pero, hindi ganyan kadaling ipaliwanag ito sa binagyo’t namatayan sa kalye’t mall.
Mabangis at nanunulis ang kuko ng panulat ng naudlot na pari. Nasa niya’y manakit, pero di ito nais; nang ihayag ni Digong na pabor siya sa same sex marriage. Nang mahulasan at mapagtantong bawal ito sa Konstitusyon, buwelta ang mali-maling Digong at nilinaw na civil union ang turan dahil mismong ang Konstitusyon ni Corazon ang lulusawin para lumusot ang nais ni Rodrigo. Tugon sa N-pari, maraming kontrato (ang tawag ng indio ay kontrata, lingua franca ngayon, kahit mali) ang lalabagin.
Sa Nilayan (nilay-ugnayan sa Ebanghelyo), aking ipinaliwanag na ang panahon lamang ang nagbabago at di nagbabago ang imoralidad. Sa Luma at Bagong Tipan, malinaw ang pagbubukod sa moral at imoral. Hanggang kahapon, walang nagbago. Ang moral at imoral noon ay gayun din naman ngayon.
Masaganang Bagong Taon. Ang sumubaybay sa Bandera simula noon hanggang ngayon, ay manigong namumuhay sa kaalaman at kabuhayan.
PANALINGIN: Jesus, baguhin mo kami. Palakasin ang aming isipan at kaluluwa. Fr. Mar Ladra, Diocese of Malolos.
MULA sa bayan (0916-5401958): May suspetsa ako na galing Marawi ang bagong salta sa amin. Anong gagawin ko? …6788, ng Barangay 22, Gingoog City.