‘Gandarrapido: The Revenger Squad’: Nakaaaliw, nakagaganda, nakakawerpa

IYAN ang mararamdaman mo kapag napanood ang 2017 Metro Manila Film Festival entry nina Unkabogable Star Vice Ganda, Teen King Daniel Padilla at 2015 Miss Uinverse Pia Wurtzbach na Gandarrapido: The Revenger Squad.

Umiikot ang istorya sa magkapatid na Emy (Vice) at Chino (Daniel) kung saan nais ni Chino na maging sundalo dahil gusto niyang maging tagapagligtas ng mga nangangailangan subalit pinipigilan siya ng kapatid dahil nais lang niya itong protektahan.
Pagdating ng ika-21 taong kaarawan ni Chino ay madidiksubre niya ang natatanging kapangyarihan na magiging dahilan upang mag-transform bilang si Rapido. Napuno ng lihim ang tunay na pagkatao niya dahil sa sikretong ayaw ibunyag ni Gandara ngunit ‘di kalaunan ay matutuklasan rin ni Rapido ang katotohanan dahilan para magkaroon ng lamat ang kanilang pagsasamahan. Nanggagaling naman ang powers ni Gandara sa bertud na hatid ng lipstick.
Sa pagpapakilala ng karakter ni Cassandra/ Kweenie (Pia) na dating hindi kagandahan ay malalaman ang mga isinakripisyo ni Gandara para sa kanya ngunit na-misinterpret ito ni Cassandra na naging daan para magkahiwalay sila at lumihis siya ng landas. Kukunin ni Cassandra ang loob ni Chino at dito magsisimula pang lalo ang pagkalito ni Chino kung sino ang tunay na mabuti o masama.

Bakit nakakaaliw? Dahil tulad ng mga nakalipas na pelikula ni Vice ay puno ng punchline ang pelikula na swak sa buong pamilya  na lalo pang pinasaya ng kanyang mga komedyanteng sidekicks na sina Wack Kiray (Pospora), MC (Higopa), Lassy (Flawlessa) at Queen Mother Karla Estrada (Barna). Kwela rin ang parody sa mga pelikula ng KathNiel na She’s Dating The Gangster, Barcelona, at Can’t Help Falling In Love.

Dapat ding abangan ang ending ng pelikula kung saan may pa-kilig moments pa ang special guests (Guess who!). Don’t miss din ang ice tubig scene nina Vice at Zanjoe Marudo!

Nakakaganda naman ito dahil sa good vibes feel na mensahe ng pelikula na nagpapakita ng tunay na kahalagahan ng pagmamahal, sakripisyo at pamilya. Sinasalamin rin ng pelikula na hindi kailangan ng special powers upang maging superhero dahil kahit sa simpleng paraan ay maaari kang maging bayani. Higit sa lahat, ang pinakaaral ng pelikula ay kahit kailan ay hindi mananaig ang kasamaan sa kabutihan at importante ang kapatawaran upang magsimulang muli.

Kung bakit naman ito nakakawerpa, ito ay dahil sa makukulay at not the usual, improved special effects bukod pa sa mga astig pero kwelang fight scenes.

Sa lahat ng movies ni Vice so far, ito na siguro ang pinakamalalim ang kwento on top of the laughter and fun kaya bibigyan namin ito ng 9 out of 10 stars.

Read more...