‘Ang Larawan’: Pelikulang di man pang-masa ay may puso at konsiyensya

HINDI man maituturing na pang-blockbuster o box-office movie ng Metro Manila Film Festival 2017 ang musical-drama na ‘Ang Larawan’, isa naman itong makabuluhang pelikula na dapat panoorin.
‘Ang Larawan’ ay hango sa dula na “A Portrait of the Artist as Filipino” ng National Artist na si Nick Joaquin at pinagbibidahan ito nina Joanna Ampil, Rachel Alejandro, Paulo Avelino at iba pang kilalang artistang Pinoy mula sa pelikula at teatro.
Umiikot ang kuwento sa magkapatid na sina Candida (Joanna Ampil) at Paula (Rachel Alejandro) at ang larawan o portrait na inialay sa kanila ng kanilang ama at sikat na pintor na si Don Lorenzo Marasigan (Leo Rialp).
Tinatalakay rin ng ‘Ang Larawan’, na ang setting ay noong 1941 o pre-World War 2 era, ang pagmamahal at pagpapahalaga sa pamilya at maging sa sining.
Maayos naman ng pagkakagawa ng pelikula na magbabalik sa iyo sa nakaraan at pasado rito ang akting (pati na rin pag-awit) nina Ampil (na may laban para sa Best Actress), Alejandro at iba pang cast na kinabibilangan nina Avelino, Nonie Buencamino, Menchu Lauchengco-Yulo, Robert Arevalo, Sandino Martin, Cris Villonco, Aicelle Santos, Cara Manglapus, Jojit Lorenzo, Ogie Alcasid, Rayver Cruz, Zsa Zsa Padilla, Bernardo Bernardo, Jaime Fabregas, Noel Trinidad, Nanette Inventor at Dulce.
Maganda ang mensahe ng ‘Ang Larawan’ kaya naman dapat na mapanood mo ito sa umpisa para maintindihan mo kung paano tumakbo ang istorya nito.
Hindi man pang-masa ang appeal nito sa mga movie goers, overall ay bibigyan ko ang ‘Ang Larawan’ ng grado (1 to 10 score with 10 as highest) ng 9.0 dahil isa itong pelikula na tumatalakay sa konsiyensya at puso ng bawat Pinoy.

Read more...