Satisfaction rating ni Robredo, Pimentel, Alvarez tumaas; Sereno bumaba-SWS

 

Social Weather Stations

Tumaas ang satisfaction rating nina Vice President Leni Robredo, Senate President Koko Pimentel, at House Speaker Pantaleon Alvarez pero bumaba naman si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno, ayon sa fourth quarter survey ng Social Weather Stations (SWS).
Ayon sa survey, si Robrero ay nakapagtala ng 42 porsyentong net satisfaction rating (63 porsyentong satisfied, 21 porsyentong dissatisfied at 15 porsyentong undecided), mas mataas sa 41 porsyento na naitala sa survey noong Setyembre.
Mula ng maupo noong Hulyo, ang pinakamataas na net satisfaction rating ni Robredo ay 49 porsyento.
Si Pimentel naman ay nakapagtala ng 49 porsyentong net rating (62 satisfied, 13 dissatisfied at 24 undecided) mas mataas sa 46 porsyento na nakuha nito sa mas naunang survey.
Ito na ang pinakamataas na rating ni Pimentel mula ng maging Senate President.
Tumaas naman ng anim na porsyento si Alvarez na nakapagtala ng 14 porsyento (38 satisfied, 23 dissatisfied, 34 undecided) mula sa 8 porsyento.
Ang pinakamataas na nakuha ni Alvarez ay 22 porsyento.
Si Sereno naman ay bumaba sa anim na porsyento (34 satisfied, 28 dissatisfied at 34 undecided). Ang pinakamataas niyang nakuha ay 26 porsyento sa survey noong Setyembre 2016.
Ang survey ay ginawa mula Disyembre 8-16 at kinuha ang opinyon ng 1,200 respondents.
30

Read more...