4 BIFF patay, 5 sugatan sa airstrike

Di bababa sa apat na kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang napatay at lima pa ang nasugatan nang magsagawa ng airstrike ang mga tropa ng pamahalaan sa Datu Unsay, Maguindanao, Lunes ng gabi, ayon sa militar.
Isinagawa ang operasyon alas-9:40 matapos sunugin ng mga kasapi ng BIFF ang dalawang bahay sa komunidad ng mga katutubong Teduray sa Sitio Makon, Brgy. Iginampong, sabi ni Capt. Arvin Encinas, public affairs officer ng Army 6th Infantry Division.
“Residents of the community fled to Sitio Bagong of said barangay for safety and reported the [burning] to the nearest Army detachment,” sabi ni Encinas sa isang text message.
“The air strike operations resulted in the killing of four BIFF [members] and five others were wounded, based on intelligence reports,” aniya pa.
Isinagawa ng attack helicopters ang air strike, na sinundan pa ng pagpapaputok ng kanyon, hanggang alas-2 ng umaga Martes, ayon naman sa mga ulat sa radyo.
Sinabi ng pinuno ng mga Teduray na di bababa sa 10 kasapi ng BIFF ang napatay sa air strike, ayon sa isa sa mga ulat.
“Apat lang po ‘yung na-report sa amin ng ground troops‎,” sabi naman ni Encinas nang tanungin tungkol sa bilang mga napatay.
Tumanggi si Encinas na sabihin kung alin sa mga sasakyang panghimpapawid ng militar ang ginamit sa airstrike dahil sa “security reasons.”

Read more...