Naitala ang mga nawawalang tao at mga nasirang bahay nitong Linggo sa Brgy. Mangsee, na binubuo ng dalawang islang nasa hangganan na ng Malaysia, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense-MIMAROPA.
Naganap ang storm surge Sabado ng gabi, ilang oras matapos magsagawa ng pre-emptive evacuation ang mga residente.
Sa datos na nakalap naman sa Navy, sinasabing marami ngang nasirang bahay at may mga nawawalang residente ng Mangsee.
Nabatid na wala ring kuryente at paputol-putol ang cellphone signal doon kaya pahirapan ang pag-update sa kalagayan ng barangay.
Napag-alaman din sa Navy na tatlong barko ang dineploy mula Puerto Princesa City, Martes ng umaga, para maghatid ng ayuda sa mga residente.
Inaasahang dadating sa Balabac ang BRP Andres Bonifacio, BRP Simeon Castro, at BRP Teotimo Figoracion Martes ng gabi at makapagbababa ng kargamento ngayong araw (Miyerkules).
Karga ng mga barko ang mga relief goods gaya ng bigas, gasolina, pagkaing de lata, at damit, pati ang ilang tauhang tutulong sa search and rescue operations, pagkumpuni ng linya ng komunikasyon at kuryente, at ilang residente ng Mangsee na galing Puerto Princesa.
Ang Balabac ay ang huling bayan na tinamaan ni “Vinta” bago lumabas ng bansa ang bagyo.
MOST READ
LATEST STORIES