‘All of you’: Hindi OA ang dialogue, nag-shine si Derek

SIGURADONG maraming Pinoy  couple ang makaka-relate sa kuwento ng “All Of You” na pinagbibidahan nina Jennylyn Mercado at Derek Ramsay, lalo na ang mga magkarelasyon na dumadaan sa mga challenges.
Ginagampanan nina Jennylyn at Derek ang mga karakter nina Gabby at Gab, na naging magka-live in for three years matapos magkakilala sa Taiwan sa pamamagitan ng isang dating app.
Agad silang nakakonek sa ugali ng isa’t isa kaya naman hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang dalawa – nagpakaligaya sila sa piling ng isa’t isa. Nagkasundo silang ituloy ang relasyon sa Manila hanggang sa yayain na ni Gab si Gabby na magsama na sila kahit hindi pa kasal.
At tulad din ng ordinaryong live in partners, maayos at punumpuno ng pagmamahal at kanilang pagsasama ngunit habang tumatagal ay nadidiskubre na nila ang pagkakaiba ng kanilang ugali at pananaw sa mga bagay-bagay.
Hindi OA; natural ang dialogue
Nagsimula lang sa maliliit na tampuhan hanggang sa sumabog na sa mukha nila ang katotohanan na hindi lahat ng nagli-live in ay nauuwi sa kasalan. Nakakaloka nga ang eksena kung saan pinatitigil na ni Gabby si Gab na magyosi, pero ang ending siya na ang natutong manigarilyo dahil sa tensyon.
In fairness sa “All Of You” hindi ito tulad ng ibang pelikula na OA ang batuhan ng dialogue, timpladung-timplado ang akting nina Jen at Derek na siya naman talagang forte ng kanilang direktor na si Dan Villegas. Pati ang mga confrontation scene nila ay natural na natural kaya ang feeling mo nandu’n ka rin sa bahay o kuwarto nila at personal mong nasasaksihan ang kanilang pinagdaraanan.
Derek nag-shine, pang-best actor
Pero sa kabuuan ng pelikula, feeling namin mas nag-shine si Derek bilang isang lalaking handang kainin ang pride at magpakatotoo sa kanyang nararamdaman para lang patunayan ang totoong pagmamahal niya sa babaeng itinuring na rin niyang parang tunay na asawa.
Panalo ang hugot ni Derek sa eksena kung saan lumuhod pa siya sa harap ni Jennylyn habang nasa kalye para lang iparamdam dito ang tunay niyang nararamdaman. Sabi nga ng isang nakausap namin na nakapanood na rin ng pelikula, kung hindi si Jen ang kaeksena ni Derek dito, siguradong buong-buo siyang nilamon ng hunk actor.
Kaya nga hindi na rin kami magtataka kung manalong festival best actor si Derek ngayong taon
Hindi na namin idedetalye ang iba pang highlights ng “All Of You”, kabilang na ang mga nakakalokang halikan at love scene nina Derek at Jen para may shock factor pa rin kapag pinanood n’yo na ito.
Gusto rin namin ang ending ng movie, hindi predictable at hindi rin cheesy. At siguradong makikisimpatya rin kayo sa kinahinatnan ng pakikipaglaban nina Gab at Gabby sa tatlong taon nilang relasyon.

Read more...