15-anyos na dalagita napagalitan, cellphone kinumpiska, nagbigti

Natagpuang patay ang 15-anyos na dalagita sa Patnanungan, Quezon, nitong bisperas ng Pasko, matapos magbigti makaraang mapagalitan at makumpiskahan ng cellphone ng magulang.
Nadiskubre na lang ng kanyang nakababatang kapatid na lalaki na nakabigti ang dalagita sa loob ng silid nito alas-9 ng umaga, ayon sa ulat ng Quezon provincial police.
Bago ito’y hinanap ng batang lalaki ang kanyang ate, at nang silipin ang silid nito’y nabigla na lang nang makita ang huli na nakabitin at wala nang malay.
Nang makarekober ay kumuha ang batang lalaki ng kutsilyo sa kusina, pinutol ang lubid, at humingi ng saklolo sa mga kapitbahay, ayon sa ulat.
Sinabi sa pulisya ng ina ng dalagita na nang umagang iyon, dakong alas-7, ay nakagalitan niya ang huli at kinumpiska ang cellphone nito.
Matapos iyo’y umalis umano ng bahay ang ginang para mag-araro ng bukid, at iniwan ang mga anak, ayon sa pulisya.

Read more...