MIRROR, mirror in the wall, who’s the best Rookie of them all?
Matapos ang unang linggo ng 43rd season ng Philippine Basketball Association (PBA), ang pinakamaningning na performance ay naitala ni Kiefer Ravena ng NLEX Road Warriors.
Sa 119-115 panalong nairehistro ng Road Warriors kontra sa Kia Picanto noong Miyerkules, si Ravena ay nagtala ng 18 puntos, 12 assist at pitong rebound. Bale kinulang siya ng tatlong rebound upang makakumpleto ng triple-double sa kanyang unang laro bilang pro. Aba’y walang rookie na nakagawa ng ganoon sa unang laro.
Kahit ang kanyang amang si Ferdinand Ravena ay hindi nakagawa ng ganoon.
Pero nagwagi naman ang nakatatandang Ravena bilang Rookie of the Year.
Iyon ang accomplishment na gustong masundan ni Kiefer.
At walang mag-amang PBA players na parehong naging Rookie of the Year!
Baka sakaling ngayon ay mangyari na iyon.
Ito ay kung magtutuluy-tuloy ang sterling performance ni Kiefer na siyang No. 2 pick overall sa nakaraang PBA Draft.
Ang top pick na si Christian Standhardinger ay pinili ng San Miguel Beer.
Subalit ang 6-foot-7 Fil-German ay hindi pa available dahil bago lumahok sa draft ay pumirma siya para maglaro sa Hong Kong Eastern Long Lions sa ASEAN Basketball League. Bale sa Commissioner’s Cup pa siya makakasama ng Beermen.
So, kung magmimintis siya ng isang buong conference, malabo siyang maging Rookie of the Year.
Parang ‘yung kaso ni Alvin Patrimonio sa Purefoods noong 1988 dahil hindi siya agad nakaakyat sa PBA at naglaro pa muna sa Swift sa PABL hanggang sa katapusan ng All-Filipino Conference. Tuloy si Jojo Lastimosa ang naging Rookie of the Year.
So, kahit na outstanding ang laro ni Standhardingr, kulang pa rin siya ng games at hindi magka-qualify para sa award.
Kumbaga, kapabayaan na lang ni Kiefer kung sakali ang ikatatalo niya.
Pero knowing Kiefer, hindi siya magpapabaya.
At sino ang pwede niyang makalaban kung sakali?
Maganda ang naging numero ni Raymar Jose ng Blackwater Elite na gumawa ng 16 puntos at anim na rebound. At kahit natalo ang Elite sa Meralco Bolts, 103-98, ay ipinapalagay na may asim na ang koponan ni coach Leo Isaac sa season na ito.
Ikatlo si Robbie Herndon ng Magnolia Hotshots. Kahit pa tila may back spasms, ay nakatulong siya sa 108-95 panalo ng kanyang koponan kontra sa Alaska Milk.
Gumawa siya ng siyam na puntos, pitong rebound at isang steal sa 20 minuto.
Si Jeron Teng ng Aces ay nagtapos nang may 16 puntos at napabulalas si coach Alex Compton na nagsabing “Marami itong pahihirapan sa liga!”
Bukod sa mga ito, ang iba pang rookies na nakapaglaro na ay sina Rey Nambatac ng Rain or Shine at Mark Tallo ng TNT KaTropa. Si Nambatac ay gumawa ng limang puntos sa 82-79 panalo ng Elasto Painters kontra Tropang Texters. Si Tallo ay hindi nakaiskor.
Abangan na lang natin ang ibang mga baguhan at tingnan kung mayroon pang magpapakitang-gilas sa kanila.