PANAHON ng Kapaskuhan. Sa ganitong panahon pinaniniwalaan ng mas nakararami na lumalabas ang tunay na kulay at balat ng mga personalidad.
Maraming umiiwas na artista para hindi lang makapagregalo, meron namang mga sadyang nagtatago, kung paanong marami ring bukas ang palad sa pagbabahagi ng kanilang mga tinatanggap na biyaya.
Sa mga kilala sa kakuringan ay runner-up, kumbaga sa beauty pageant, ang isang male personality na hirap na hirap dumukot ng pambili ng ireregalo sa mga taong may malaking naitulong sa kanyang career sa buong taon.
Kuwento ng aming source, “Nakow! Ano kaya ang makapagpapabago sa pananaw ng taong ‘yun? Minsan lang naman sa isang taon ang Pasko, wala namang replay, pero kung bakit talagang pinagmatigasan na niya ang pagiging kuring!
“Wala siyang pakialam kung dumarating man ang Pasko, hindi siya nag-aabala sa pagbili ng pangregalo, parang isang ordinaryong araw lang para sa kanyang ang Christmas!
“Ewan kung ano ang iniisip niya. Hindi siya nakukuha sa kantiyaw, lalong hindi siya nakukuha sa mga parinig, saradung-sarado talaga ang kamao niya!” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.
Pero teka, sabi naman ng isang miron, nu’ng minsan ay nakaalala rin naman sa mga pinagtatanawan niya ng utang na loob ang male personality na ito.
“Tama! Nu’ng minsan nga pala, e, sinira ni ____ (pangalan ng pamosong male personality) ang kanyang tradisyon! Meron siyang ipinamigay na mga bag sa mga katrabaho niya!
“Parang nakakita ng multo sa sobrang pagkagulat ang production staff ng show kung saan siya kasama dahil meron siyang regalo. Bakit, paano, ano ang kanyang nakain at nagregalo siya?
“Dyuskoday! Nalaman ng mga kasamahan niya na ipinagpagawa lang pala siya ng souvenir bags ng isang tagahanga niya, ‘yun pala ang dahilan, ibang tao ang nagpagawa ng mga giveaways niya!
“Nakakaloka ang kakuringan ng male personality na ‘yun! Talagang dadaan pa muna sa hearing sa Senado kung maglalabas siya ng datung para maipambili ng mga pangregalo niya!
“Sasayawan ka na lang niya, ‘yung lang ang kaya niyang ibigay, kaya sama-sama na lang tayong sumigaw ng it’s showtime!” tawa nang tawang pagtatapos ng aming impormante.
Sayaw rin kayo, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, habang hinuhulaan n’yo kung sino ang bumibida sa ating kuwento.