TNT, Rain Or Shine magsasagupa

Mga Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
4:15 p.m. Blackwater vs Meralco
7 p.m. Rain or Shine vs TNT KaTropa

BUBUKSAN ngayon ng apat pang koponan ang kampanya sa Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup sa Cuneta Astrodome.
Tampok sa double-header ngayon ang sagupaan ng TNT KaTropa at Rain or Shine na parehong kinukunsidera bilang mga paboritong koponan sa ligang ito.
Pero bago ang labang ito ay magsasagupa muna ang Blackwater Elite at Meralco Bolts ganap na alas-4:15 ng hapon.
Ibabandera ng Rain Or Shine ang 7th overall pick nito sa nakalipas na Rookie Draft na si Rey Nambatac na dating star player ng Letran Knights sa NCAA.
Inaasahan ding maglalaro ang iba pang rookies ng Elasto Painters na sina Jomari Sollano na galing din sa Letran at Michalel Juico ng San Sebastian Stags.
Bagaman napanatili ng Texters ang “core players” nito ay nakakuha ito ng mga kamador sa Rookie Draft na tulad nina Mark Tallo ng SWU, Jonjon Gabriel ng Colegio de San Lorenzo, Monbert Arong ng FEU at Dave Moralde ng UP.
Nanatili pa rin sa TNT sina Jayson Castro, Troy Rosario, RR Pogoy, Ryan Reyes, Kelly Williams at Harvey Carey.
“For sure, what we have (this season) is an upgrade from the previous one,” sabi ni TNT coach Nash Racela.
“But then again, when you look at the whole league, every team got stronger.’’
Tiyak na masusubukan naman ang husay ng TNT ngayon dahil nasa Rain or Shine pa rin ang mga tulad nina Raymond Almazan, Jewel Ponferada, Beau Belga, Maverick Ahanmisi at Jericho Cruz.
Samantala, may misyon naman si Meralco coach Norman Black sa torneyong ito. Nais niyang maputol ang dalawang sunod na taon na nalaglag ang Bolts sa elimination round ng Philippine Cup. —Angelito Oredo

Read more...