TIYAK na babaha na naman ng luha ngayong Sabado ng gabi dahil sa Christmas special ng longest-running drama anthology sa Asya, ang Maalaala Mo Kaya hosted by Charo Santos.
Tunghayan ang kuwento ni Josephine Llorca, isang babaeng mas piniling alagaan ang nanay (gagampanan ni Gloria Diaz) na may Alzheimer’s disease kesa mag-asawa at magkaroon ng sariling pamilya.
Nagbabalik-MMK si Toni Gonzaga na gaganap bilang si Josephine na inialay ang kanyang buong buhay sa pag-aalaga sa kanyang inang si Carmen matapos nga itong ma-diagnose ng Alzheimer’s disease.
Nagdesisyon din siyang hindi na mag-asawa at magkaroon ng sariling anak dahil ayaw niyang mahati pa ang atensyon na inilalaan niya sa kanyang ina habang lumalala ang kundisyon nito.
Hanggang sa dumating na nga ang kinatatakutan ni Josephine, namatay ang kanyang ina sa iba’t ibang kumplikasyon at iyon na siguro ang pinakamalungkot na Pasko sa kanang buhay. Sa kauna-unahang pagkakataon ay magdiriwang siya ng Pasko na mag-isa at wala ang kanyang ina.
Isang taon matapos pumanaw ang kanyang nanay, nagsimba si Josephine bago mag-Noche Buena para ipagdasal ang kaluluwa nito. Miss na miss na niya ang ina at wala siyang ibang dasal kundi sana’y masaya na ito sa piling ng Panginoon.
Sa pag-uwi ni Josephine, may nakita siyang isang matandang pulubi sa daan. Nilapitan niya ito para bigyan ng pagkain ngunit nang makilala niya ito, nalaman niyang naliligaw pala ang matanda at meron ding Alzheimer’s disease. Paano niya itong matutulungan para makabalik sa kanyang pamilya?
Makakatulong nga kaya ang pagpo-post niya sa Facebook ng litrato ng lola para makauwi na ito sa kanila?
‘Yan ang alamin sa Pamaskong handog ng MMK ngayong Sabado ng gabi sa ABS-CBN pagkatapos ng Little Big Shots.
Makakasama rin nina Toni at Gloria sa MMK episode na ito sina Boots Anson Roa, Juan Rodrigo, Jojo Abellana, Justin Cuyugan, Denise Joaquin, Karen Timbol, Teetin Villanueva, Natasha Cabrera, Yesha Camille at Niña Dolino. Ito’y sa direksyon ni Dado Lumibao at sa panulat ni Mae Rose Balanay.