Patay kay ‘Urduja’ lampas 60 na

Pumalo na sa 62 ang naiulat na nasawi at mahigit 20 pa ang nawawala dahil sa pananalasa ng bagyong “Urduja” sa Visayas at ilang bahagi ng Luzon noong nakaraang linggo, ayon sa mga otoridad Huwebes.
Limampu’t apat na ang naitalang nasawi at 24 pa ang nawawala sa Eastern Visayas, sabi ni Chief Insp. Ma. Bella Rentuaya, tagapagsalita ng regional police.
Karamihan pa rin sa mga nasawi at nawawala sa rehiyon ay naitala sa lalawigan ng Biliran.
Kabilang sa mga pinakahuling narekober si Annie Lacampara, 50, isa sa mga biktima ng landslide sa Sitio Macalpe, Brgy. Cabibihan, Caibiran, Biliran.
Natagpuan ang mga labi ni Lacampara sa baybayin ng Brgy. Tomalistis, Caibiran, dakong alas-10 ng umaga Huwebes, ani Rentuaya.
Narekober naman noong Martes ang mga labi ng mag-asawang Masuline, 68, at Matilde Romero, 62, San Fernando, Romblon, nitong Martes ng hapon, sabi ni Supt. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng MIMAROPA regional police.
Nahugot ang bangkay ng dalawa sa na-landslide na bahagi ng Sitio Parao, Brgy. Mabini, matapos ang dalawang araw na search and rescue operations, aniya.
Inulat naman ng Office of Civil Defense-Bicol na anim katao ang nasawi sa rehiyon, bagamat tinitiyak pa kung may kaugnayan nga sa bagyo ang pagkasawi ng tatlo.
Apat sa mga nasawi’y naitala sa mga bayan ng Palanas at Placer, Masbate; isa sa Labo, Camarines Norte; at isa sa Libmanan, Camarines Sur, ayon sa OCD.

Read more...