Dinala sa Claro M. Recto Hospital ang dalawang lalaki at dalawang babaeng nasawi habang inaalam pa ang kanilang pagkakakilanlan, sabi ni Olive Luces, direktor ng Office of Civil Defense-Calabarzon, sa kanyang ulat.
Umabot na sa 199 ang nasagip pagsapit ng alas-5 ng hapon at ilan sa mga ito’y sugatan nakay dinala sa parehong pagamutan, aniya.
Tumaob ang Mercraft III sa bahagi ng dagat na malapit sa Brgy. Dinahican, dakong alas-11:30 ng umaga.
Galing ang bangka sa pantalan ng bayan ng Real at patungo sana sa Polillo Island, ani Luces.
Di pa mabatid kung bakit tumaob ang bangka, na kayang magkarga ng 286 katao pero may karga lang na 251 pasahero, batay sa manipesto, aniya.
Unang dinala ang mga nasagip sa Brgy. Dinahican, kung saan inaasikaso ng Infanta Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang kanilang pangangailangan, gaya ng gamit pagkain, at balabal.
Habang isinusulat ang balitang ito’y patuloy pa ang search and rescue operation para sa ibang sakay ng bangka.
Nakikipagtulungan ang Philippine Coast Guard Northern Quezon sa Infanta MDRRMO, mga tauhan ng Brgy. Dinahican, at mga sibilyang may bangka upang mahanap ang ibang sakay Mercraft III.
Hiniling na ng mga lokal na awtoridad sa Air Force na magpadala ng helicopter para tumulong sa paghahanap.
Nagpadala naman ng tauhan ang Army 41st Infantry Battalion, 202nd Brigade, at medical teams mula sa bayan ng Real para tumulong sa rescue operations.
Inihanda na rin ang mga tauhan ng Quezon PDRRMO para sa posibleng paglilipad sa kanila mula Lucena City para tumulong sa operasyon sa Infanta, ni Luces.
MOST READ
LATEST STORIES