‘Haunted Forest’ stars umaasang makasama sa top 3 ng MMFF 2017


SA ginanap na grand presscon ng “Haunted Forest”, official entry ng Regal Films ngayong 2017 Metro Manila Film Festival, ay natanong si Direk Ian Lorenos kung matindi rin ang pressure na nararamdaman niya.

Ang huling horror movie kasi na ipinalabas noong 2015 na pinrodyus nina Mother Lily Monteverde at Roselle Monteverde-Teo na “Haunted Mansion” ay kumita ng P159 million.

Sina Janella Salvador, Marlo Mortel at Jerome Ponce ang pangunahing tauhan sa pelikula na isinulat at idinirek ni Jun Lana. Posible bang malampasan ng “Haunted Forest” ang “Haunted Mansion”?

Sabi ni direk Ian, “Wala naman pong pressure kasi confident po ako sa Regal, the ability to market and to make successful film and confident so far na nagawa namin ang pelikula as expected so mas excited kami.”

Sa tanong kung ano ang pipiliin ni direk Ian, kumita ang pelikula niya o humakot ng award? “Ano po kasi, if you win an award is an honor, pero kung hindi naman kumita, may kulang.

“And at the same time ganu’n din kapag kumita ang pelikula mo pero binash ka naman dahil hindi maganda or something, may kulang pa rin. So siguro both na lang po hindi naman siguro masama ‘yun,” katwiran ng direktor.

Samantala, inamin naman ng mga bida sa “Haunted Forest” na sina Jane Oineza, Jameson Blake, Jon Lucas at Maris Racal na hoping silang mapasama sa Top 3 ng MMFF (box-office).

Pambata naman kasi ang “Panday” ni Coco Martin at “Gandarrapiddo The Revenger Squad” ni  Vice Ganda, at alam naman natin na ang mga bata ay hindi puwedeng manood ng walang kasamang matanda, so doble o triple na kaagad ang bilang.

q q q

Umaasa ang cast ng “Haunted Forrest” na magiging malakas din ang entry nila sa takilya dahil nag-iisa itong horror film sa pestibal.

Sabi ni Jane, “Siyempre nakaka-pressure po since first time ko ring mag-MMFF but then gaya ng lagi naming sinasabi, proud po kami sa ginawa namin at ibinigay ko rin ang best ko at doon palang ay masaya na ako.

“Ang aim ko ay mag-enjoy (sa takot) ang lahat ng makakapanood ng ‘Haunted Forest’ at ‘yung pagpasok pa lang namin sa MMFF ay malaking karangalan na dahil hindi naman lahat ng nag-submit ng entry ay nakapasok.

“Well since nakapasok sa MMFF and speaking of mga kalaban I believe na we will be in the top 3 kasi every MMFF there’s always a horror movie, and hopefully top 3 talaga,” saad naman ni Jameson.

Katwiran naman ni Jon, “Gaya nga po ng sinabi nila na itong ‘Haunted Forest’ lang ang nakapasok sa MMFF kaya malaki ang chance na kasama ang pelikula namin sa pag-uusapan (word of mouth) at tatangkilikin ito ng tao.

“Tungkol naman po sa pressure, hindi po ako nagpapa-pressure sa sarili ko kasi totoo lang na makasama na ang pelikula namin sa MMFF ay parang nanalo na po kami,” sabi ng binata.

Ayon naman kay Maris, “Nu’ng nalaman ko po na kasama kami sa MMFF, siyempre po I was very happy but kasama rin po ‘yung pressure kasi ang lalaki ng kalaban naming movies but naniniwala naman ako na may mga supporter talaga na lahat ng pelikula ay pinapanood tuwing filmfest.

“And kami lang ang horror kaya ‘yun po ‘yung edge namin kaya I’m pretty sure na marami ring manonood sa movie namin,” sabi ng dalaga.

Rated PG ng MTRCB ang “Haunted Forest”, kung saan kasama rin sina Raymart Santiago, Joey Marquez, Jerald Napoles, Betong Sumaya, Myrtle Sarrosa,  at marami pang iba. Showing na ito sa Dis. 25.

Read more...