PARA matugunan ang unemployment at underemployment, pinag-ugnay ng labor department ang mga naghahanap ng trabaho at employer sa pamamagitan ng job fair at paghahanda sa mga kabataan sa pamamagitan ng mga programang pang-empleyo.
May kabuuang 192,466 naghahanap ng trabaho ang hired-on-the-spot (HOTS) sa ginanap na job fairs sa buong bansa at 314,449 kabataan ang natulungan para sa kanilang school-to-work transition sa pamamagitan ng Special Program for Employment of Students (SPES), Government Internship Program (GIP), at JobStart Philippines Program.
Maganda ang pananaw sa kalagayan ng empleyo. Subalit, kinakailangang mapanatili ang ating pagpupunyagi sa pagbibigay ng disenteng trabaho at matugunan ang mga natitira pang hamon sa empleyo.
Tinatayang may 2,675 jobs fair ang naisagawa sa buong bansa na sinalihan ng 1,087,966 naghahanap ng trabaho. Sa mga kwalipikadong aplikante, 192,466 ang hired-on-the-spot ng mga lumahok na employer.
Ang programang Trabaho, Negosyo at Kabuhayan (TNK) ng DOLE at ng Department of Trade and Industry (DTI) ang naging modelo ng job fair.
Dito nagkakaroon ng maraming oportunidad sa empleo at pagnenegosyo sa mga lokal na komunidad lalo na sa susunod na taon kung saan magsasagawa ang pamahalaan ng malawakang TNK sa mga komunidad.
Upang makapagbigay ng oportunidad sa trabaho para sa mga kabataang Pilipino, ipinatutupad ng Bureau of Local Employment (BLE) ang programang SPES, GIP, at ang JobStart Philippines.
May kabuuang 274,080 mahihirap ngunit karapat-dapat na estudyante, out-of-school youth, at dependent ng mga manggagawang nawalan ng trabaho ang nabigyang oportunidad upang ipagpatuloy ang kanilang edukasyon sa pamamagitan ng SPES–isang employment-bridging program na naglalayong bigyan ng pansamantalang trabaho ang mga benepisaryo tuwing bakasyon, o anumang araw ng taon.
Samantala, 35,377 Pilipinong nagtapos ng kolehiyo ang nabigyan ng pagkakataong magtrabaho sa pamahalaan bilang intern sa pamamagitan ng GIP, isang programa na naglalayong pataasin ang kakayahan ng mga kabataang nagtapos ng kolehiyo sa pagbibigay ng pagsasanay sa pagtatrabaho sa pamahalaan.
Binigyan din ng DOLE ang mga kabataang Pilipino na hindi nagtatrabaho, hindi nag-aaral, o hindi nagsasanay, ng full-cycle employment facilitation services sa pamamagitan ng programang JobStart.
Tinatayang may 4,992 kabataang benepisaryo ang nag-enrol sa 10-araw na life skills training (LST), at may mga nakahanap ng trabaho habang o matapos sumailalim sa LST, samantalang ang iba ay nagpatuloy sa kanilang technical skills training na hanggang tatlong buwan at ang company-based internships na hanggang anim na buwan.