SA pagpasok ng 2018, maaamoy na natin ang mid-term elections.
Poporma na ang mga tatakbo sa senatorial elections sa Mayo 2019, na siyang kalagitnaan ng anim na taong termino ni Pangulong Duterte.
Bago matapos ang susunod na taon ay maghahain na ng certificate of candidacy ang mga kakandidato.
Noong 2016 elections ang mga kandidato ay naghain ng certificate of candidacy noong Oktubre 2015.
Kaya naman sa 2018 ay “game” na.
Mukhang magiging masikip ang labanan sa senatorial race.
Mayroon nsng ginawang survey at nakalalamang ang mga nakaupong senador.
Nariyan sina Sen. Grace Poe, Sen. Cynthia Villar, Sen. Koko Pimentel, Sen. Sonny Angara, Sen. JV Ejercito, at Sen. Nancy Binay.
Nalaglag sa magic 12 si Sen. Bam Aquino, pinsan ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III. Si PNoy ang nakaupo nang manalo si Sen. Bam kaya hindi maitatanggi na malaki ang impluwensya ng dating pangulo sa kanyang pag-upo sa Senado.
Batay sa aking nakitang survey, mas mataas ang puwesto ni Sen. Jinggoy Estrada, na nakalabas na ng kulungan matapos na payagang magpiyansa sa Sandiganbayan, sa kanyang half brother na si Sen. JV.
Pero mas mataas naman kay ex-Sen. Jinggoy ang rating ng inaasahang magbabalik sa Senado na si Taguig Rep. Pia Cayetano.
Kasama rin ang pangalan ni dating Sen. Lito Lapid na muling tatakbo matapos matalo ang kanyang anak na si dating Pampanga Gov. Mark Lapid sa 2016 senatorial race.
Ang mabigat, pasok din si Davao City Mayor Sarah Duterte, anak ni Pangulong Duterte sa magic 12.
Naroon din ang pangalan ni Quezon City Mayor Bistek Bautista, pero ang balita ko ay mas interesado siya na tumakbo sa pagkakongresista.
Ang magreretirong si PNP Chief Bato dela Rosa ang nasa laylayan ng magic 12.
Naghihintay din ang lahat sa desisyon ni ex-Sen. Mar Roxas kung tatakbo ito o hindi.
Dahil nakabinbin pa ang electoral protest laban kay VP Leni Robredo, inaasahan na hindi tatakbo si ex-Sen. Bongbong Marcos. Pero pwede namang tumakbo ang kanyang kapatid na si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos.
Meron namang ibang pangalan na ikinokonsidera ang administrasyon at naniniwala sila na malaki ang maitutulong ng basbas ni Duterte upang sila ay manalo.
Si House committee on appropriations chairman at Davao City Rep. Karlo Nograles, na pamangkin ni Duterte at anak ni dating House Speaker Prospero Nograles ay nasa listahan din ng ikinokonsidera.
Nariyan din si Negros Occidental Rep. Albee Benitez, chairman ng House committee on housing and urban development, na siyang lider ng Visayan bloc sa Kamara de Representantes.
Kasali din ang pangalan ni House committee on dangerous drugs chairman at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, anak ni dating Sen. Robert Barbers.
Nabanggit din ang pangalan nina Bataan Rep. Geraldine Roman, Justice Sec. Vitaliano Aguirre, Presidential Communications Operation Office Asec. Mocha Uson at Presidential spokesman Harry Roque.
Nakita ko rin ang pangalan ni dating Leyte Rep. Martin Romualdez na nakilala sa kanyang “malasakit” noong 2016 elections.
Aba teka, si Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo, pwede ring tumakbo. Siya ay senador, bago naging bise presidente at pangulo.