Bato ibinahagi ang huling Christmas wish sa PNP

MAYROONG kahilingan si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa sa kanyang huling Pasko sa ahensiya na kanyang pinangunahan simula 2016.

“Wala ‘ko ibang hingin na regalo galing sa inyo, ito lang, na sana isali nyo lagi sa inyong pagdadasal na sana ang PNP ay maging successful sa ating adhikain na makamit ang drug-free Philippines,” sabi ni dela Rosa.

Nakatakdang magretiro si dela Rosa sa papasok na 2018.

“At sana yung ating kapulisan walang gagawa ng masama, walang gagawa ng pag-abuso, lahat dapat ay disiplinado at sumusunod sa rule of law,” dagdag ni dela Rosa.

Noong Disyembre 13, sinabi ni Pangulong Duterte na palalawigin niya ang termino ni dela Rosa ng dalawa buwan hanggang tatlong buwan bago italaga bilang pinuno ng Bureau of Corrections (BuCor).

Nakatakdang magretiro si dela Rosa sa Enero 21, 2018, kung saan siya magdiriwangng kanyang ika-56 kaarawan.

“This is my last Christmas kasi ‘di na naman siguro ako i-extend ng Presidente until December 2018, so I presume this is my last Christmas,” ayon kay dela Rosa.

Nagpasalamat si dela Rosa sa publiko at sa mga pulis na nagsakripisyo sa kanilang serbisyo.

“Gusto ko lang, from the bottom of my heart magpapasalamat ako sa inyong lahat, sa kapulisan, sa lahat ng ating nakamit sa taong ito,” ayon pa kay dela Rosa.

“May mga kasamahan tayong nagbuwis ng buhay, ibang kasamahan nagkasira-sira ang pamilya dahil napabayaan, yung ibang kasamahan natin nagkakasakit dahil pina-priority ang serbisyo,” sabi pa ni dela Rosa.

Read more...