Patay kay ‘Urduja’ patuloy na dumarami

Patuloy pa ang search, rescue, and retrieval operations sa mga lugar na sinalanta ng bagyong “Urduja” sa Eastern Visayas at ilang bahagi ng Luzon, kung saan pinangangambahang lalampas sa 30 katao ang nasawi.
Sa opisyal na tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ay tatlo pa lang ang kumpirmadong nasawi, pero sa impormasyong nakalap ng BANDERA sa iba-ibang source, 33 na ang narekober na nasawi.
Bukod dito’y may mahigit 20 katao pa ang nawawala at pinangangambahang nalibing nang buhay, dahil sa mga landslide.
Nadagdag sa listahan ng mga nasawi sina Anita Caliao, 59; John Carlo Superio, 12; at Allyssa Mae Superio, 9, na pawang mga natabunan ng landslide sa Brgy. Lucsoon, Naval, Biliran, sabi ni Chief Insp. Ma. Bella Rentuaya, tagapagsalita ng Eastern Visayas regional police.
Natagpuan ang mga labi ng tatlo matapos maganap ang pagguho alas-3 ng hapon Sabado, aniya.
Pinaghahanap pa ng mga awtoridad sa Brgy. Lucsoon ang 25 hanggang 30 kataong diumano’y nalibing din ng buhay, sabi sa BANDERA ni SPO1 Eladio Francisco, ng Naval Police.
“Sabi ng mga residente doon, mayroong 25 to 30 katao ang natabunan, pero tatlo pa lang ang confirmed na patay. Makapal na lupa ‘yung bumagsak, saka maraming malaking bato, may mga puno, may tubig pa na galing sa taas ng bundok,” aniya.
Anim na bahay umano ang natabunan sa Lucsoon proper, patikular na sa bahaging malapit sa chapel at daan patungong Brgy. Imelda, ani Francisco.
Pito katao naman ang natagpuang patay matapos ding tamaan ng landslide ang isang grupo ng mga bahay sa Sitio Macalpe, Brgy. Cabibihan, bayan ng Caibiran, sabi ni SPO2 Edgar Sinagote, miyembro ng lokal na pulisya.
“‘Yung tinamaan na area, bundok. ‘Yung mga victims, dito na sa baba natagpuan,” sabi ni Sinagote nang kapanayamin sa telepono
“‘Yung iba nahanap sa palayan, sa gilid ng ilog. Anim na sa kanila nakita sa Brgy. Binohangan, at may isang nakita sa Brgy. Kawayanon. Hinahanap namin ngayon ‘yung iba pa, sa shoreline,” aniya pa.
Pero ayon sa ulat na ipinaskil sa Facebook page ng Biliran provincial government, 23 katao na ang nasawi, 26 pa ang nawawala, at 10 ang nasugatan dahil sa pananalanta ni “Urduja” sa lalawigan.
Labing-apat ang nasawi sa Caibiran, apat sa Naval, apat din sa Almeria, at isa sa bayan ng Biliran, ayon sa ulat.
Ayon sa Office of Civil Defense-8, tinitiyak pa ng mga ahensiya ng pamahalaan ang mataas na bilang ng nasawi sa Biliran.
Pahirapan umano ang pagpapasa ng mga report ng mga line agency, dahil maraming bahagi ng Eastern Visayas ang walang kuryente simula pa noong Biyernes.
Nadagdag din sa listahan ng mga nasawi si Genalyn Baola, 42, nang malunod sa Sitio Naga, Brgy. Sta Cruz, Palanas, Masbate, dakong alas-8 ng umaga Linggo, sabi ni Senior Insp. Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol regional police.
Lumilikas si Baola at ang kanyang anak na babae nang siya’y maanod ng baha. Nakaligtas naman ang bata, ani Calubaquib.
Bukod dito’y may isa pang babaeng nasawi naman sa landslide sa Labo, Camarines Norte, Linggo din ng umaga, ayon sa ulat sa radyo.
Pinaghahanap naman ang mag-asawang Matilde at Masolinie Romero, kapwa 60-anyos, matapos din umanong matabunan ng lupa sa Brgy. Mabini, San Fernando, Romblon, dakong alas-11 ng gabi Sabado, sabi ni Supt. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng MIMAROPA regional police.
Sa tala ng NDRRMC, sinasabing 221,953 katao na ang naapektuhan ng bagyo sa iba-ibang bahagi ng bansa, at 87,917 sa mga ito ang nagsilikas.
Bukod sa kawalan ng kuryente sa maraming lugar, naging isyu din ang pagdadala ng relief goods sa mga lumikas dahil sa bagyo, lalo na sa Samar.
Nagpulong kahapon ang matataas na opisyal ng NDRRMC upang siguruhing madadalhan ng relief goods ang mga evacuee.
“Challenges in the distribution of relief to the affected communities in Pinabacdao, Samar, are being addressed while the Pinabacdao-Sta. Rita Road is still closed due to flooding. Alternate routes were identified to ensure the continuity of relief distribution,” sabi ng NDRRMC sa isang kalatas.
Maliban sa pagbaha, marami ding landslide na naitala sa Eastern Visayas kaya nagpakalat ng mga trabahador sa mga pangunahing lansangan para magsagawa ng clearing operations, sabi ni Edgar Tabacon, direktor ng Department of Public Works and Highways Region 8.

Read more...