KAGAGALING lang namin ng a-ming mga anak at apo sa munti naming nayon sa Nueva Ecija. Magiging abala na kami sa mga susunod pang araw dito sa Maynila, kaya una na naming binahaginan ng oras ang aming mga kamag-anak, kaibigan at kaklase sa elementarya at high school.
Ibang-iba ang kapaligiran sa Visoria, Quezon, Nueva Ecija, ang baryo kung saan kami lumaki, ang nayon na palagi naming gustong balik-balikan kapag may libre ka-ming panahon.
Pagdating pa lang namin nu’ng Biyernes nang hatinggabi ay sinalubong na kami ng sariwa at malakas na hangin. Ang lamig-lamig ng klima, napakaginaw, kaya nagbalik ang aming alaala nu’ng aming kabataan sa baryo.
Alas kuwatro pa lang nang hapon kapag malapit na ang Pasko ay nakapangginaw (read: jacket) na kami. Namamalikaskas ang aming balat dahil sa sobrang lamig, kaya gamit na gamit namin ang langis ng niyog na hindi nawawalan ang aming dakilang ina, hindi ka makalalabas sa bukid dahil kung mabuway ang katawan mo ay babagsak ka sa sobrang lakas ng ihip ng hangin.
Napakasarap ng kuwentuhan naming magpipinsan. Puro throwback ang mga istorya namin, ang sarap-sarap sariwain ng nakaraan. Ganu’n naman palagi. Kapag umuuwi kami ay pansamantalang lumiliban sa trabaho sa bukid ang aming mga pinsan at pamangkin para kami estimahin.
Kagigising mo pa lang ay makikita mo na ang sariwang gatas ng kalabaw, mga kapipitas na gulay, ganu’n kaming lumaki sa nayon. Walang kasingsarap ang pagbabalik sa ating pinagmulan.
Ilang taon na naming ginagayakan ang aming bahay sa baryo kapag dumarating ang Pasko. Kami ang namamahala sa loob, si Japs Gersin naman ang nagdidisenyo sa labas, “Maynila” kung tawagin ng mga bata ang aming bahay dahil sa maliliwanag at nagsasayawang ilaw.
Isa sa pinakamaliligayang punto ng aming buhay ang pagbalik sa Visoria. Maliit lang ang aming nayon, magkakakilala ang mga naninirahan, pero ang kasiyahang dulot ng bawat pag-uwi namin sa kapaligirang aming kinalakihan ay hindi matutumbasan nang kahit magkano.
‘Yung habang tumitipa ka ng mga kolum mo ay may dumadaang langkay ng mga kalabaw, kambing at baka. Ang masarap samyuing sariwang hangin, ang mga ngiting ibinibigay ng iyong mga kanayon, alam na namin ngayon pa lang na kapag nagpaalam na kami sa lokal na aliwan ay isang daan lang ang aming susundan.
Ang pag-uwi sa aming nayong pinakamamahal.